Ang BDO Unibank ay isa sa mga nangungunang employer para sa mga bagong graduate sa bansa. Ang bangko ay itinanghal na Top Graduate Employer in the Banking and Financial Services Sector at nasa ikalimang puwesto naman sa listahan ng Top 100 Graduate Employers sa Pilipinas na inilabas ng GradPhilippines.
Ang Top 100 Graduate Employers List ay nagraranggo ng mga kumpanya batay sa kanilang popularidad sa mga web search at kalahatang marka sa mga nangungunang job websites dito. Ang GradPhilippines ay nagsasagawa ng isang komprehensibong pagsusuri upang mahusay na mabuo ang listahan nito, kasama na roon ang pagsusuri at pagsasama-sama ng data mula sa mga search engine, bilang ng bumibisita sa webpage, at mga review ng empleyado.
Ayon sa GradPhilippines, mahigit 600 kumpanya sa Pilipinas ang kinonsidera bago mabuo ang huling listahan. Kasama sa pamantayan ang pag-post sa mga employment websites ng mga oportunidad para sa mga bagong nagsitapos; pag-post ng mga bakanteng trabaho o internship sa anumang site ng Prosple noong 2020; at pagkakaroon ng higit sa limang search request sa GradPhilippines.com.
“Itinuturing ng BDO ang mga empleyado bilang pinakamahalagang asset nito. Nabigyan nito ng trabaho ang higit sa 38,000 mga propesyonal mula sa iba’t ibang background at larangan. Salamat sa mga taong ito, natutupad ng bangko ang pangako nitong ‘We find ways’ para sa mga kliyente araw-araw,” sabi ni Evelyn Salagubang, BDO Senior Vice President and Head of Human Resources Group.
“Patuloy naming pinagbubuti ang aming paghahanap upang maanyayahan ang mga pinakamagagaling na propesyonal sa bansa na sumali sa aming organisasyon at sa proseso, matulungan namin silang pagyamanin ang kanilang mga karera. Ipinagmamalaki naming marami sa mga empleyado rito ang kasama namin sa loob ng ilang dekada na, ang ilan ay mula pa nang nagtapos sila sa kolehiyo. Nagpapasalamat kami sa patuloy na katapatan at ambag ng aming mga empleyado sa tagumpay ng BDO.”
Ang GradPhilippines ay bahagi ng Prosple group na nagbibigay sa mga nagtapos sa buong mundo ng mga kaalaman at pamamaraan upang matulungan silang makamit ang pinakamahusay na pagsisimula sa kanilang karera. Ang Prosple ay mayroong higit sa 180 career at study websites sa buong Australia, New Zealand at rehiyon ng Timog-silangang Asya.
Sa gitna ng pandemya, pinaghuhusay ng BDO ang paggamit ng mga digital na paraan upang mahikayat ang mga bagong talento na sumali sa organisasyon. Sa kasalukuyan, naghahanap ito ng Online Account Officers na kayang magbigay ng mahusay na serbisyo para sa mga kliyente ng bangko. Hinihikayat ng BDO ang sinumang may background sa customer service, kabilang ang mga dating cabin crews, hoteliers, at iba pang customer-facing professionals, na magpadala ng CV na may larawan sa tallada.airish@bdo.com.ph.
