Bayan ng Sofronio Española nakatanggap ng ayuda mula sa PSWDO

Makikita sa larawan ang mga sako ng ayuda mula sa Palawan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Humigit-kumulang 1,000 food packs ang natanggap ng bayan ng Sofronio Española mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) noong araw ng Sabado, Hulyo 3.

Ayon kay Grace dela Torre, hepe ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang food packs na kinabibilangan ng bigas, canned goods, at gatas ay kanilang hiniling bilang karagdagang suporta sa mga indibidwal na nasa mga quarantine facility ng bayan.

Ani Dela Torre, ang food packs ay direktang ibibigay sa mga residente na umuuwi at sumasailalim sa facililty quarantine, kabilang ang mga Returning Overseas Filipinos (ROF), at mga indibidwal na sumasailalim din sa home quarantine.

“Sila ang priority natin sa foodpacks na ito. Ibibigay natin ito sa ating mga quarantine facility. Tayo naman sa MSWDO, mayroon na rin naman tayo pero nagpapasalamat po tayo sa Provincial Government na nabigyan pa rin tayo ng foodpacks,” pahayag ni Dela Torre.

“Kabilang din ang mga nandito sa ating bayan, in case mag-positive sa antigen, subject sila sa home quarantine, binibigyan din natin ang mga ito,” dagdag niya.

Ayon pa kay Dela Torre, simula noong nag-umpisa ang pandemya, patuloy din ang kanilang koordinasyon sa Mayor’s Office na patuloy na mag-allocate ng pondo upang magamit na pambili ng mga pagkain sa lahat ng mga barangay lalo na kung may mga lugar na isinasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry