Bayan ng Sofronio Española, nakapagsumite na ng vaccination plan

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan – Nakapag-sumite na ang Municipal Health Office (MHO) sa bayan na ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kanilang Vaccination Plan Program para sa COVID-19 noon pang Pebrero 8.

Inihayag ni municipal health officer Dr. Rhodora Tingson sa Palawan News nitong Huwebes (Pebrero 11) na nasa priority list ng kanilang program ang mga frontliner kabilang ang MHO personnel, Community Volunteer Health Workers (CVHW), Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT), at mga barangay tanod. Sa kabuoan ay nasa 401 ang bilang ng nasa priority list ng programa.

“Frontliners po talaga ang unang priority, alinsunod sa priority ng DOH at WHO,” ani Dr. Tingson.

Nasa next priority naman, ayon kay Dr. Tingson, ang lahat ng senior citizens at mga miyembro ng indigent population (IP) na nag-eedad 18 hanggang 59 years old.

Ayon pa kay Dr. Tingson, may kabuuang 802 doses ng bakuna ang nakalagay sa priority list dahil isinama agad nila ang ikalawang dose na kailangan para sa mabibigyan ng bakuna

“Para sa 401 na tao, 802 doses para covered pati ang second dose natin sa kanila. Usually, ini-ensure ang two doses para di masayang ang naunang dose, and makuha ang optimum effect ng vaccine,” paliwanag niya.

Kabilang naman ang mga tauhan ng MHO at DOH sa bubuo ng manpower para sa gagawing pagbabakuna, samantalang ang gagamiting lugar sandaling magsimula ang pagbabakuna ay ang mga barangay covered court.

“Prospective vaccination site ang mga covered court ng eight barangays, except Barangay Pulot Interior, pero depende pa din sa type ng vaccine na dadating sa atin eventually,” aniya.

Idinagdag pa ni Dr. Tingson na hindi nila sigurado kung anong klaseng bakuna ang darating na siyang gagamitin kaya importanteng masigurado nila ang maayos na temperatura ng vaccine. Hindi umano nila matiyak na madadala ang vaccine sa Pulot Interior dahil may kalayuan ang barangay.

“Masyadong malayo ang area, baka hindi natin ma-maintain ang temperature ng vaccine if bibiyahe pa ng malayo, kaya ang plano natin ay sa covered court sila ng barangay Pulot Center pero sa ibang araw ang schedule para sa kanila,” aniya.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang paglilista ng mga kabilang sa secod priority ng vaccination plan ng bayan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry