Inaalam pa ng mga awtoridad ang tunay na pangyayari sa likod ng pagkaputol ng daliri ng isang 8 taong gulang na bata sa Barangay Tagbarungis, Inagawan Sub noong Huwebes, August 19.

Ayon kay Kgd. Ricky Trobio ng Inagawan Sub, maaaring aksidente ang dahilan nito. Subalit sinabi rin ng mga lokal na opisyal na ayon sa testimonya ng bata, isang lalaking hindi niya nakilala dahil nakasuot ng bonnet ang pumutol sa kanyang isang daliri dahil umano sa galit sa kanyang ama.

Sa kuwento umano ng bata, habang siya ay nag-iisa ay isang lalaki ang dumating at galit na hinahanap ang kanyang ama. Nagalit umano sa kanya ang lalaki na inakusahan siyang nagsisinungaling at pinutol ang kanyang isang daliri.

“Hindi niya nakilala ang lalaki dahil naka-bonnet daw. Hinablot daw ang kanyang kamay tapos sinabihan siyang sinungaling, tapos nagpakita ng galit sa kanyang ama, saka pinutol daw ang kanyang daliri,” pahayag ni kapitan Benjamin Salazar ng Inagawan Sub.

- Advertisement -

Sa pag-iimbestiga naman ni Kgd. Trobio, chairman ng peace and order committee ng nasabing barangay, walang napansin ang mga kapit bahay ng biktima na lalaking pumunta sa kanilang bahay ng bandang alas dose ng tanghali. May nakita din daw itong itak na may dugo, at mga kahoy na sinibak sa isang parte ng bakuran ng bahay.

“Sabi ng bata, pagpasok daw ng lalaki ay tinaga daw ang kanyang daliri. Sa imbestigasyon namin pagdating namin doon sa lugar may isang itak doon na inamin naman nilang sarili nilang itak, may mga dugo ‘yun, tapos may nakita din kami na mga kahoy na biniyak-biyak. Sa tingin ko baka nadisgrasya lang ang bata,” pahayag ni Kgd. Trobio.

Wala din daw nakaaway ang ama nito sa Tagbarungis o Luzviminda na posibleng gumawa nito sa kanilang anak.

Nasa PNP na ang kaso ng bata at napuntahan na din umano ito ng DSWD upang tulungan ang biktima.

Previous articlePandi goes home
Next articleEDITORIAL: The PCSD turnaround on the Brooke’s Point mining project application
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.