Inihayag ni Brooke's Point Mayor Atty. Maryjean D. Feliciano, pagkatapos ng flag raising kahapon na mamimigay siya ng libreng basket sa lahat ng pamilya sa Brooke's Point bilang tugon sa pagbabawal ng paggamit ng single-use plastic. (Larawan mula kay BP-Sangguniang Bayan Member Ton Abengosa)

PUERTO PRINCESA, Palawan — Sinimulan ni Brooke’s Point Mayor Atty. Mary Jean D. Feliciano sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga basket sa mga empleyado ng munisipyo ang tugon sa pagbabawal ng paggamit ng plastik sa nasabing bayan.

Pagkatapos ng ‘flag raising ceremony’ noong October 7 ay isa-isang tumanggap ng basket na gawa sa yantok at kawayan ang lahat ng empleyado ng pamahalaang lokal ng Brooke’s Point. Libre itong ipinamahagi ng alkalde.

Target din ni Mayor Feliciano na mabigyan ang bawat pamilya sa 18 barangays ng Brooke’s Point.

Sa kasalukuyan ay nasa 66,374 ang populasyon ng nasabing bayan ayon sa 2015 census ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Base sa populasyong nabanggit, aabot sa mahigit 15,000 pamilya ang mabibigyan ng basket kung ang bawat pamilya ay mayroong apat o mas mahigit pang miyembro ayon na rin sa average household size na ginagamit ng PSA.

Ang hakbang na ito ni Mayor Feliciano ay bilang tugon sa ipinaiiral na Batas Pambansa Bilang 9003 (Republic Act 9003) o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, partikular na ang paggamit ng ‘single-use plastics’.

Ayon kay Mayor Feliciano, 6,000 baskets pa lamang ang paunang maipapamahagi nito sa kanyang mga kababayan. Aniya, sa pamamagitan ng mga basket na ito ay hindi na mahihirapan ang mga ginang ng tahanan o mga miyembro ng bawat pamilya sa kanilang paglalagyan ng mga pinamili sa palengke o alinmang pamilihan. (Orlan C. Jabagat/PIA4B-Palawan)

About Post Author

Previous articleWe need to be smarter and less corrupt
Next articleNational earthquake, tsunami drill sa Calapan, kasado na