Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng tatlong buwan si Samariñana Barangay Captain Marvin Juanerio kaugnay ng hindi umano niya pag-isyu ng Certificate to File Action sa isang reklamong may kaugnayan sa lupa na dumaan sa Katarungang Pambarangay.
Kinumpirma ni Juanerio ang suspensyon sa isang opisyal na pahayag matapos niyang matanggap ang kautusan ng Ombudsman noong Hunyo 9.
Ayon kay Juanerio, nag-ugat ang reklamo sa isang alitan sa lupa na isinailalim sa proseso ng Katarungang Pambarangay noong mga unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang barangay captain.
Sinabi niya na hindi niya agad iniisyu ang Certificate to File Action dahil nais niyang masunod ang tamang proseso at mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na maresolba ang usapin sa barangay.
“Ang reklamong ito ay may kaugnayan sa isang usapin tungkol sa lupa na dumaan sa Katarungang Pambarangay, sa panahong ilang araw pa lamang ako sa aking posisyon,” ani Juanerio.
Ayon pa sa kanya, nauna nang naihain ang reklamo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), ngunit hindi umano ito pinaboran ng mga naturang ahensya.
Ipinaliwanag ni Juanerio na ang kaso ay naibalik mula sa korte patungo sa barangay para sa pagdinig sa ilalim ng Katarungang Pambarangay. Aniya, nais ng isang panig na agad makakuha ng Certificate to File Action upang maibalik muli ang usapin sa korte.
“Taga dito rin sa amin, galing na sa court ibinalik ang kaso, ibinaba na sa barangay, bago humingi sila kaagad ng certificate to file action, gusto agad nila mai-file sa court ulit,” ani Juanerio.
Sinabi rin niya na ilang ulit siyang nagpadala ng mga sulat at notice upang mapaharap sa lupon ang magkabilang panig, ngunit tumanggi umano ang mga ito na dumalo sa mga itinakdang pagdinig.
Binigyang-diin ng kapitan na hindi siya maaaring basta mag-isyu ng Certificate to File Action nang hindi nasusunod ang mga itinakdang hakbang sa ilalim ng Katarungang Pambarangay.
Sa kabila ng suspensyon, sinabi ni Juanerio na iginagalang niya ang naging desisyon ng Ombudsman at handa niyang sundin ang ipinataw na parusa.
“Masakit para sa akin na maparusahan dahil sa isang bagay na ginawa ko sa paniniwalang ito ay para sa ikabubuti ng lahat ng sangkot,” aniya.



