Hinarang ng mga tauhan ng Cuyo Municipal Police Station (MPS) at Philippine Coast Guard (PCG) ang isang bangkang pangisda ng YNN fishing Corporation dahil sa paggamit nito ng “superlight” sa karagatan, humigit-kumulang 6.2 nautical miles, mula sa isla ng Imalaguan, Barangay San Carlos sa bayan ng Cuyo, alas kuwatro ng madaling araw noong Biyernes, April 9.
Naaresto ang apat na sakay ng bangka kabilang ang kapitan na kinilalang si Roben Villaren Arcan, 43; 2nd Mate Lolimer Gimino Geanioga, 47, chief engineer; Rolando Sarabia Dawa, 53, mga residente ng Negros Occidental; at ang 2nd engineer na si Raymond Montecalbo Mabatas, 50, ng Escalante City.
Sa pahayag ni P/Lt. Marvin Herrera, hepe ng Cuyo MPS, sinabi niya na naabutan nila ang nasabing bangka na iligal na nangingisda sa karagatan na sakop ng munisipyo ng Cuyo.
“May natanggap kami na impormasyon na may namataang superlight na malapit sa isla ng Imalaguan, kaya nagbuo kami agad ng team na magsasagawa ng patrolya sa dagat at naabutan namin sila sa akto,” pahayag ni Herrera
Dagdag pa ni Herrera, maliban sa nahuling bangka ay may isa pang bangka ang mga ito ang agad na nakaalis nang mamataang papalapit na ang mga pulis.
“Maliit lang kasi ang bangka namin, malakas pa ang alon. Papalapit pa lang kami sa kanila, mabilis na silang nakaalis at nakalabas na sa tubig ng Cuyo,” aniya.
Ayon pa kay Herrera, dahil sa pinaigting at mahigpit na pagbabantay ng kanilang hanay kasama ng PCG, sa mga karagatang sakop ng Cuyo, ay wala ng mga mangingisda na nagsasagawa ng mga iligal na paraan ng paghuli ng isda sa kanilang nasasakupan.
“Takot na ang mga tao na gumawa ng mga iligal dito, dahil sa mahigpit na kami. Lagi kami nagsasagawa ng seaborne patrol kasama ang coastguard. Dati kasi, mayroong galing Mindoro, Iloilo. Sa ngayon wala na, matagal na, bago lang ito uli,” sabi pa nito
Samanatala, agad din namang pinakawalan ang bangka at apat na tauhan nito matapos magbayad ng kaukulang multa sa isinampang reklamo kaugnay sa Municipal ordinance number 2015-1520 o ang paggamit ng super lights sa pangingisda na ipinagbabawal sa karagatang sakop ng Cuyo.
