File photo of Balabac, Palawan.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Balabac Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) sa mga residente ng mga isla ng nabanggit na bayan dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.

Partikular na binabantayan ng MIATF sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang isla ng Barangay Mangsee kung saan may mga cargo vessels na naglalakbay patungo at mula sa bansang Malaysia.

Katuwang ng MIATF sa pagbabantay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Balabac Sub-Station at ng PNP-Maritime Balabac Special Boat Unit (SBU).

Ayon kay Mitra Tanjilani, hepe ng MDRRMO, noon pa mang nagsimula pa lang ang pandemya dulot ng COVID-19 ay mahigpit na nilang tinutukan ang isla ng Mangsee dahil malapit lang ito sa Malaysia.

- Advertisement -

“Ang mga negosyante natin almost from Mangsee at ibang isla ay sa Kudat namimili kaya ang MIATF natin ay naka-focus sa monitoring sa Mangsee kasama ang mga opisyales ng barangay,” pahayag ni Tanjilani nitong Sabado, Hulyo 31.

“Lalo na ngayon, isa ang Malaysia sa mga bansang ipinagbawal ng ating gobyerno ang inbound travelers dulot ng banta ng Delta variant,” dagdag niya.

Noong araw ng Biyernes ay ipinatupad ng national IATF ang Resolution no. 103-A kung saan ipinagbawal ang pagpasok ng mga byahero mula sa sampung bansa kung saan mataas ang kaso ng Delta variant, kabilang ang Malaysia, simula August 1 hanggang August 15.

Ang mga lantsa mula sa Mangsee island na nagtutungo sa Kudat, ay inililista ng barangay tuwing umaalis at limitado lamang sa hanggang dalawa ang pahinante na pwedeng sumama. Hindi rin papayagan ang mga negosyante na tumagal sa Kudat para mamili ng kanilang mga pangangailangan.

“Matagal na rin nating ipinatupad yan sa mga lantsa at mga negosyanteng pumupunta doon. Bawal sila matulog at tumagalsa Kudat,” paliwanag ni Tanjilani.

Previous articleEDITORIAL: Probing PALECO
Next articleAHP launches new health-oriented program
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.