RIZAL, Palawan — Isang bahay tuluyan ang pinagsikapang maitayo sa Barangay Punta Baja sa bayan na ito upang makatulong sa mga residente na nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.
Ang bahay tuluyan ay naitayo sa pamamagitan ni Sangguniang Bayan (SB) member Grazil Macasaet-Zapanta gamit diumano ang kanyang sariling pondo.
Ang bahay tuluyan ay kanyang ipinatayo noong 2019 na ngayon ay nagagamit na ng mga taga-Rizal at karatig munisipyo. Gawa ito sa light materials na mayroong dalawang malaking silid at kayang tumanggap ng 30 hanggang 40 indibidwal at kumpleto sa facility katulad ng living room, kusina, at palikuran.
“Yes po, tinatawag ko na bahay tuluyan. Noong nakaupo ako noong July, una ko itong pinagawa agad. Kahit na native lang, kayang mag-accommodate ng 30 to 40 persons. Dahil nakita ko na isa sa problema ng ibang mga kababayan natin dito sa Rizal ay ang kanilang matutuluyan tuwing nandito sa Punta Baja,” sabi niya.
Aniya, magagamit ang bahay tuluyan ng mga grupo na pupunta sa sentro ng bayan, tulad ng mga miyembro ng women’s groups, barangay health workers, at mga kabataan.
“Katulad ng mga pamilya na naka-confine sa hospital dito sa atin, dito ko pinapatuloy sa bahay tuluyan na ito para hindi na sila mag-problema pa ng kanilang tutulugan. Minsan kasi kapag lalabas na ng ospital ang hirap pang makauwi sa mga malalayong barangay, dito naĀ sila muna tumutuloy,” sabi niya.
Idinagdag rin ni Zapanta na kahit hindi residente ng bayan ng Rizal at kung may mga importanteng pupuntahan o walang matutuluyan ay makipag-ugnayan lamang sa kanyang opisina.