Dumaan ang mga suspek sa kisame para makapasok sa bahay.

Isang pamilya ang nanakawan ng mahigit kumulang P200, 000 na halaga ng alahas sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Antipuluan, Narra, madaling araw noong Abril 23.

Ayon sa Narra Municipal Police Station (MPS), dumaan ang mga suspek sa kisame para makapasok sa bahay.

“Doon ang ginawa nilang entrance sa banyo. Ang nakuha sa kanila ay apat na piraso ng bracelet na ayon sa kanila ay humigit-kumulang P200,000,” pahayag ni P/Maj. Dhenies Acosta, hepe ng Narra MPS.

Walang tao sa bahay nang pasukin ito ng magnanakaw dahil nasa Quezon umano ang pamilya na ayon sa pulis ay maaring binantayan ng mga suspek bago nila ito pinasok. Ayon sa imbestigador, maaaring may batang involved sa krimen dahil sa maliit lang ang butas na dinaanan. Tanging mga bagong alahas lamang umano ang tinangay.

“Galing sila (biktima) sa Quezon, pagbalik nila sa Narra ay saka lang nila nalamang nanakawan sila, iyong loob ng kuwarto nagulo na. Pero iyong ibang gamit hindi rin kinuha pinili lang. Iyong white gold, pinili lang talaga nila iyong mga bago. Tingin ko parang may kasama silang bata kasi maliit lang ang butas na pinasukan, tapos kung professional talaga iyon ay sisimutin lahat iyon kasi ang white gold ay importante,” ani Acosta.

Isa pa sa ipinagtataka ng mga awtoridad ay hindi madaling pasukin ang bahay ng mga biktima dahil secured ito ng cctv subalit ayon sa pamilya ay sira ito. Sarado rin ang gate nito, kaya naisip na maaring nagmatyag ng mabuti ang mga suspek at malapit lang sa biktima ang mga ito.

“Hindi madaling mapasok ang bahay nila, saradong sarado po ang gate nila at hindi mapapasok ng kung sinu-sino lang,” paliwanag ni Acosta.

May person of interest na ang mga awtoridad na iniimbestigahan tungkol sa insidente.

“May pumunta daw sa kanila at nagtanung-tanong at tiningnan ang mga lugar kung saan at naglibot, iyon ang mga tao na na posibleng maging (suspek), siguro nagasurvey pa sila noon,” dagdag niya.

Samantala ayon sa tala ng Narra MPS, ngayong buwan ng Abril, umabot na sa tatlo ang insidente ng nakawan sa bayan ng Narra.

About Post Author

Previous articlePCG and BFAR hold ‘comprehensive’ maritime exercise in WPS
Next articleIrregularities in the distribution of City cash aid hit