Isang bagong tuklas na species ng namumulaklak na halaman sa Surigao del Sur ang ipinangalan sa internationally acclaimed na aktres at singer na si Lea Salonga.
Tinawag na Begonia leasalongae ang bagong species ng Begonia na natuklasang tumutubo sa malilim, mamasa-masa at mabatong dalisdis malapit sa isang maliit na sapa sa Sitio Cabugi, Unidos, Tago, Surigao del Sur.
Ang bagong species ay kahawig ng Begonia noraaunoriae, isang uri ng halaman na natuklasan noong 2023 at ipinangalan naman sa yumaong National Artist na si Nora Aunor.
Inilarawan ang bagong species nina Freddie A. Blasco, Grecebio Jonathan D. Alejandro, Junelito C. Cortes at Rosario R. Rubite.
Ayon sa mga researchers, ipinangalan kay Salonga ang bagong tuklas na species ng begonia dahil sa aking talento nito na kinikilala hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Sumikat siya sa buong mundo matapos gampanan ang papel ni Kim sa musical na “Miss Saigon,” na nagbigay sa kaniya ng mga parangal mula sa Tony at Olivier Awards at iba pa.



