Nagpatupad ang Palawan provincial government ng bagong sistema ng pagbibigay ng insentibo at pagkilala sa mga programang may kinalaman sa pangangalaga at maagang edukasyon ng mga bata.
Nakabatay ang pagkilala sa bagong assessment tool at sa Provincial Early Childhood Care and Development (ECCD) Code.
Kabilang sa kinilala ang mga Child Development Worker (CDW) na matagal nang naglilingkod at mga lokal na pamahalaang may maayos na programa at sistema para sa ECCD.
Isinagawa ang pagkilala sa 2026 Child Development Workers Annual Convention na dinaluhan ng mahigit 900 CDWs mula sa iba’t ibang munisipyo sa Palawan noong August 18 at 19 sa isang hotel sa Puerto Princesa City.
Bukod sa service awards, itinampok din sa convention ang magagandang pamamaraan na ipinatutupad ng ilang lokal na pamahalaan sa kanilang mga programang pang-ECCD.
Hindi naman nakasaad sa inilabas na impormasyon kung magkano ang insentibong ipinagkaloob, ilan ang nakatanggap, at kung aling mga munisipyo ang napabilang sa mga kinilala.
Inorganisa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Palawan Child Development Workers Federation, Inc. (PCDWFI) ang convention sa ilalim ng temang “Mga Child Development Workers: Haligi ng Maagang Edukasyon, Gabay sa Matatag na Kinabukasan ng Kabataan.”
Layunin nitong dagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga CDW na nangangalaga at gumagabay sa mga batang edad 3 hanggang 5 sa mga barangay day care center.
Hinimok ni PCDWFI President Joy Mitchi P. Salvador ang mga kasamahang CDW na gamitin sa kanilang trabaho ang mga kaalaman at ideyang nakuha mula sa dalawang araw na pagtitipon.
“Sana po pagkatapos ng dalawang araw na convention na ito, marami tayong matutunan at magamit natin sa ating mga trabaho bilang mga volunteers para sa kapakanan ng mga bata sa barangay,” ani Salvador.
Pinasalamatan naman ni Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña ang mga CDW sa kanilang patuloy na paglilingkod sa mga bata.
“Thank you for your patience, thank you for your dedication, thank you for your sacrifices and most of all, thank you for choosing to serve our children,” ani Ablaña.
Nagsilbi namang tagapagsanay at resource person si Rita Jean M. Sarmiento, co-founder at business development and marketing consultant ng The Filipino Hospitality.
Kasama rin sa convention ang mga talakayan, talent showcase at pagkilala sa mga retirado at matagal nang nanunungkulan.
Dumalo sa pagtitipon sina Provincial Administrator Jefrie R. Sahagun, na kumatawan kay Gov. Amy Roa Alvarez, Board Members Winston Arzaga at Ariston Arzaga, at Indigenous Peoples Mandatory Representative Angelito Bonbon.
Bahagi ang programa ng mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan para sa pangangalaga, proteksyon at pag-unlad ng mga batang Palaweño.



