Nakapagtala ng 2,894 na aplikante ang bayan ng Sofronio Española para maging botante sa naging voter’s registration noong July 4-23, ayon sa Commission on Elections (COMELEC) sa naturang bayan.
Ayon kay Maria Lourdes Carolasan, ang election assistant II, naging maayos ang kanilang pagsasagawa ng rehistrasyon sa loob ng 18 araw sa kanilang tanggapan.
Ang nasabing bilang ay mga aplikanteng botante na may edad 18 pataas para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ani ni Carolasan, nakatakdang isagawa ng komisyon ang Electoral Registration Board (ERB) hearing sa darating na August 1 upang aprobahan ang mga nagparehistro.
“For approval/disapproval pa po ang mga ito sa ating ERB hearing, naging maayos ang ating registration sa Sofronio Española, walang naging problema. Sumunod naman ang lahat lalo na sa health protocols, pagsuot ng face mask sa pagrehistro,” sabi ni Carolasan, June 26.
Mababatid na may kabuuang 22,675 ang kabuuang naging botante ng bayan na ito sa nakalipas na 2022 National and Local Election (NLE) noong May 9.
Ang pagpaparehistro ngayong taon ay may kaugnayan sa BSKE na itinakda ng komisyon sa December 5.