BROOKE’S POINT, Palawan — May bago nang gusali ang mga Brooke’s Point District Jail sa bayang ito matapos na pasinayaan at isalin ang pangangasiwa nito sa government center na matatagpuan sa Barangay Tubtub noong araw ng Biyernes, Abril 23.
Pinangunahan nina Mayor Mary Jean Feliciano, Regional Trial Court Branch 165 Presiding Judge Ramon Chito Trinidad at J/SSupt. Ronaldo Senoc ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagpapasinaya at pagsasalin ng pangangasiwa kay J/SInsp. Darwin Motilla.
Ang bagong dalawang palapag na gusali ay may walong dormitoryong karagdagan sa apat na nauna na kayang mag-accommodate ng 800 PDL o persons deprived of liberty. Ito ay nagkakahalaga ng P13,268,728.85 na bahagi ng jail decongestion program pamahalaang nasyunal.
Sa panayam ng Palawan News kay Mendoza, nagpasalamat siya sa lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Palawan at ng bayan ng Brooke’s Point sa tuloy-tuloy na suporta upang maitayo ang bagong BJMP building na may malawak na espasyo na magsisilbing lugar para sa mga PDL upang makapag-isip at maihanda ang sarili bago pa man litisin ang kanilang kaso.
“This gives more space for every individual to have dignified confinement, to reform, to evaluate his choices and prepare himself to defend his case,” ani Mendoza.
Sa kasalukuyan ay mayroong 325 PDL ang nakadetini sa Brooke’s Point District jail na may ibat-ibang kaso mula sa bayan ng Rizal, Quezon, Española, Brooke’s Point, Bataraza, Balabac at Kalayaan.
“Ditong sa bagong building ay maglalaan tayo ng dorm para sa mga babaeng PDL mula sa Provincial Jail na may kaso sa RTC 165” pahayag naman ni Motilla .
Nagpasalamat naman si Senoc na kumatawan kay BJMP Regional Director J/SSupt. Maria Irene Esquinas 5,000 square meters na loteng binigay ng lokal na pamahlaan na syang kinatatayuan ngayon ng BJMP building.
Samantala, bago matapos ang inagurasyon ay nagbigay ng karagdagang 5,000 square meters na lote si Feliciano bilang karagdagan sa BJMP upang mas maging maayos ang mga pasilidad ng piitan dulot ng lumulobong populasyon dahil sa dumaraming kasong dinidinig sa RTC Branch 165.
Nangako rin si Feliciano ng patuloy na suporta tulad ng pagbibigay edukasyon sa mga PDL sa pamamagitan ng libreng training mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pagbigay ng mga binhi mula sa Department of Agriculture at ilang suportang medical para sa kanila.
“Dahil sa mahusay niyong pamamahala at pagbigay ng pag-asa para sa mga PDL na nais magbago, kami sa LGU ay patuloy na magbibigay ng suporta sa edukasyon tulad ng TESDA training, mga binhi galing sa DA, gamot at iba pang pangangailangan para sa inyo. Gayon din dadagdagan natin ng 5,000 square meters itong lote, upang maging mas malawak ang inyong lugar,” ani Feliciano.



