(Para sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso)
Naisulat ko po ito noong ika 6 ng Marso, 2007
Babae, isang Ina. Sinasabing siya ang ilaw ng tahanan, taga-hulma ng kaniyang mga supling, at taga-hubog sa kamalayan ng bawat indibidwal. Sa paglipas ng mahabang panahon at sa patuloy na pag-ikot ng ating daigdig, kasabay nito ang mabilis na pagbabago ng papel at anyo ng mga kababaihan sa lipunan.
Hindi na sila ang mga babaeng nakapako lamang ang kakayahan sa loob ng tahanan. Patuloy silang lumalago sa mga larangang nais nilang tahakin. Sumasabay sila sa agos ng buhay at gawain. Sila ay mga babaeng binihisan ng bagong anyo, handang sumabak sa iba’t ibang larangan, pumapantay sa mga kalalakihan, at patuloy na sumisikap upang basagin ang matagal nang paniniwala na ang babae ay para lamang sa tahanan.
Maihahalintulad ka ba kay Gabriela Silang? Isa ka ba sa mga babaeng handang lumaban at makibaka para maisulong ang ipinaglalaban ng isang mahal sa buhay? Sa kasaysayan, si Gabriela ay isa sa maipagmamalaki ng mga kababaihan. Ipinagpatuloy niya ang pakikibaka ng kaniyang asawang si Diego Silang upang makamit ang kalayaan na minimithi ng kanilang mga kababayan. Hindi niya inintindi ang mga balakid habang hinaharap ang mga taong pumaslang sa kaniyang asawa, alang-alang sa kaniyang Inang Bayan. Siya si Gabriela—isang babaeng may prinsipyo, matatag, at hindi sumusuko sa harap ng mga kaaway.
Ikaw ba ay si Maria Clara? Isang babaeng nagkubli ng tunay na damdamin para sa lalaking kaniyang minahal. Ang hindi niya naipahayag na pag-ibig ang nagtulak sa kaniya sa matinding lungkot, hanggang sa wakas ay nagwakas ang kaniyang buhay sa kumbento. Si Maria Clara ay madalas na inilalarawan bilang larawan ng kahinaan, at kung susuriin ang ugat nito, makikita ang impluwensiya ng mga lalaking pumigil sa kaniyang kalayaan—lalo na si Padre Damaso. Hindi niya naibulalas ang pag-ibig para kay Crisostomo Ibarra, at sa huli ay naging trahedya ang kaniyang kapalaran.
Ikaw ba ay si Tandang Sora? Isang babaeng ginamit ang kaniyang kakayahan at talino noong panahon ng himagsikan. Naging tagapagkubli siya ng mga Katipunero laban sa mga mapanupil na dayuhan. Ginamit niya ang kaniyang kaalaman sa paggagamot upang alagaan at pagalingin ang mga sugatang mandirigma. Ang kaniyang pagiging malikhain at ang kaniyang estratehiya ay naging mahalaga upang muling bumangon ang lakas at sigla ng mga Katipunero. Hindi niya inintindi ang panganib sa kaniyang buhay basta’t may maitutulong siya sa bayan.
Ikaw ba ay si Magdalena? Ang babaeng tinaguriang taga-aliw ng kalalakihan sa Mabini at Ermita. Sa gabi nagsisimula ang kaniyang gawain. Ang kumakalam na sikmura ay kailangang tugunan, at ang kahirapan ay kailangang malampasan. Hindi man niya ginusto ang kalagayang kaniyang kinasadlakan, pinili niyang gawin ang lahat upang mabuhay. Siya si Magdalena—isang babaeng hinusgahan ng lipunan, ngunit isa ring tao na may sariling laban sa buhay.
O ikaw ba ang OFW na handang magsakripisyo para sa pamilya? Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyari kay Flor Contemplacion, na tinaguriang bagong bayani ng bayan. Ang kaniyang layunin ay makaahon sa kahirapan ang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Ngunit sa isang trahedya sa Singapore, siya ay napagbintangang pumatay sa kapwa Pilipina at nahatulan ng bitay. Sa kaniyang pagbabalik sa bansa, isa na lamang siyang malamig na bangkay.
O marahil ikaw ang guro, na tinatawag na ikalawang ina ng mga kabataan sa paaralan. Tulad ng isang ina, ikaw ay tagapanday at gabay sa paghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral tungkol sa edukasyon, kultura, tradisyon, paniniwala, relihiyon, kalikasan, at pagkapantay-pantay ng tao. Isa kang babaeng handang ibahagi ang kaalaman para sa pag-unlad ng kabataan, kahit maliit ang kinikita. Ang gantimpala ng pagtuturo ay hindi kayang tumbasan ng salapi.
O baka naman ikaw ang makabagong babae ng milenyo, na handang gamitin ang imahe ng katawan upang makilala sa larangang nais tahakin—sa mga magasin, billboard, at iba pang midya. Para sa ilan, ito ay hindi magandang ehemplo. Ngunit para sa iba, ito ay bahagi ng sining at malayang pagpapahayag.
Marahil ikaw ang babaeng tagapagtanggol ng kalikasan, handang gamitin ang lakas, talino, at kakayahan upang maging tinig ng ating kapaligiran. Tulad nina Gina Lopez ng Bantay Kalikasan, Atty. Gerthie Mayo-Anda ng Palawan, at Cynthia Del Rosario-Sumagaysay—mga babaeng inialay ang puso sa pangangalaga ng likas na yaman ng Pilipinas.
Ikaw ba ay si Corazon Aquino, bayani ng EDSA Revolution? Nanindigan siya at ipinagpatuloy ang laban matapos mapaslang ang kaniyang asawang si Ninoy Aquino sa tarmac ng paliparan. Nagkaisa ang bayan upang wakasan ang diktadura, at sa huli ay naluklok siya bilang kauna-unahang babaeng Pangulo ng Pilipinas. Siya ay simbolo ng tapang at paninindigan para sa Inang Bayan.
O ikaw ba ay si Eba, na ayon sa kuwento ay natukso sa mansanas ng ahas? Sa maraming kuwento, si Eba ay inilalarawan bilang babae na madaling matukso at nagiging sanhi ng pagkakamali. Ngunit sa mas malalim na pagtingin, siya rin ay sumasalamin sa kahinaan ng tao.
Sa patuloy na pagsulong ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan, patuloy ding lumilitaw ang iba’t ibang mukha at karakter ng pagiging babae. Ngunit anuman ang kanilang kalagayan, wala tayong karapatang humusga. Tayong lahat ay isinilang na pantay-pantay sa mata ng Diyos at sa lipunan.
Ang sanaysay na ito ay naglalahad lamang ng iba’t ibang anggulo ng kababaihan. Ang pag-unawa sa kanilang kamalayan, kasaysayan, at karanasan ay mahalagang pag-aralan. Hangad ng may-akda na ipaalala na tayong lahat ay may sariling kahinaan at kalakasan na dapat kilalanin.
Saludo ako sa mga kababaihan, sapagkat kami ay nagmula sa inyo. Ako ay nagpupugay sa inyong kadakilaan. Mabuhay ang mga babae!



