Sep 29, 2020

Attempted homicide para sa 2 suspek sa pambubugbog sa Rizal

Nangyari ang pambubugbog noong August 2 pero naiulat lamang ito sa pulisya noong Lunes.

Kasong attempted homicide ang haharapin ng dalawang suspek sa pambubugbog sa isang negosyanteng lalaki na naganap noong August 2 sa Barangay Punta Baja sa munisipyo ng Rizal sa southern Palawan.

Kinilala ni P/Cpt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), ang biktima na si Vincent Angelo Ramos, 36. Ang mga suspek naman ay pinangalanan na sila Frederick Lamberte, 42, at si Marvin Quijada, 38, parehong mga residente ng nasabing lugar.

Nangyari ang pambubugbog noong August 2 pero naiulat lamang ito sa pulisya noong Lunes.

Ayon sa ulat na inilabas ng Rizal, noong August 17 ay nakatanggap sila ng reklamo mula sa biktima na siya ay pinagbabantaang gugulpihin at papatayin.

Nagsagawa nang imbestigasyon ang Rizal municipal police at nalaman nila na totoo ang sumbong ni Ramos hinggil sa naganap noong gabi ng August 2.

Ayon sa imbestigasyon, lumabas ng bahay ang biktima matapos itong tawagan ni Lamberte sa telepono para makausap. Pero sinuntok ito ng suspek at binagsakan naman ng bato sa ulo ni Quijada na siyang naging dahilan kung bakit siya nawalan ng malay at nagtamo ng sugat.

Ang pangyayaring ito ay nakita ng kinakasama ni Ramos na agad na sumigaw para humingi ng tulong. Ang mga suspek naman ay tumakas palayo.

(With a report from Jayra Joyce Taboada)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry