Palawan governor Jose Chaves Alvarez. || File photo.

Pinasinungalingan ni provincial information officer Winston Arzaga ang alegasyon sa social media na si Gob. Jose Alvarez ang nagmamay-ari ng PowerSource Manamoc na nagsusuplay ng kuryente sa Manamoc Island sa bayan ng Cuyo.

Ayon kay Arzaga, walang kinalaman ang gobernador sa naturang planta at mas lalong wala itong kinalaman sa mataas na singil ng kuryente sa naturang barangay. Aniya, wala pa si Gob. Alvarez sa pulitika ay nagseserbisyo na ang PowerSource sa ilang mga lugar.

Ayon naman kay punong barangay Vicente T. Igam ng Barangay Manamoc, totoo umanong mahal ang singil ng kuryente sa kanilang barangay na umaabot ng P31 per kilowatt hour dahil sa umano’y mahal din ang presyo ng fuel na ginagamit ng planta na inaangkat pa mula sa Mindoro.

Aniya, sigurado umano siya na walang kinalaman dito ang gobernador dahil maging siya mismo ay nagulat din sa alegasyong ito ay nagmamay-ari.

“Ako nga nabigla rin, may nagkuwento sa akin, sabi ko sinong may sabi niyan, hindi ko nga alam. Sabi taga PowerSource ang may-ari at hindi naman kasama dito ang pangalan ni Gob,” pahayag ni Igam.

Samantala, ayon naman sa paglilinaw ni Dencio A. Parangue, Jr., site supervisor ng PowerSource Manamoc, ang naturang planta ay sa ilalim ng pamamahala ng PowerSource Philippines, Incorporated (PSPI) na mayroon din sa iba’t-ibang panig ng lalawigan gaya na lamang ng sa Port Barton sa San Vicente, Candawaga sa Rizal, Liminangcong sa Taytay gayundin sa bayan ng Dumaran at kinumpirmang hindi ito pagmamay-ari ni Gob. JCA.

Ayon pa sa kanya, isa umano sa nakikita niyang posibleng dahilan kung bakit nadadawit dito ang pangalan ng Gobernador ay dahil lamang sa kulay ng uniporme na ginagamit ng PSPI na kulay berde kung saan kilalang kulay na ginagamit din ng Gobernador.

“Corporation si PowerSource, maraming subsidiary. Bale yong General Manager namin ay si Tommy Malurca tapos ang Presidente at CEO naman ay si Ricardo Lasatin na nakabase sa Makati. Sa tingin ko lang kung bakit nila nasabi na kay Gobernador kasi sa uniform na kulay green, kasi green si PSPI eh, kasi si PowerSource ay meron din ibang side dito sa Palawan, wala namang nabanggit doon sa ibang side na si Governor ang may-ari,” paliwanag pa ni Parangue.

Previous articleDalawang bangkang pangisda nasabat ng awtoridad sa Linapacan
Next articlePCA patuloy ang pagpapatala ng mga coconut farmers sa NCFRS