Apat na indibidwal, kabilang ang isang menor de edad, ang nagtamo ng pinsala sa katawan matapos na aksidenteng magkabanggaan ang sinasakyan nila motorsiklo sa Sitio Tagbarungis, Barangay Inagawan Sub-Colony dito sa Puerto Princesa, nitong Martes ng gabi, Abril 19.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Lilibeth Vullag, 28, nagmamaneho ng Honda XRM; angkas nito na si Jonamae Suarez, 23; Mark Caballero, 23, na nagmamaneho naman ng SYM motorcycle, at ang limang taong gulang niyang anak.
Sa report na inilabas ng Puerto Princesa City Police Station 2 (PS2), nakasaad na si Vullag ay nanggaling sa lungsod at patungo sa bayan ng Narra, habang patungo naman sa Puerto Princesa si Caballero.
Habang nasa biyahe umano ay napansin ni Vullag ang isang lubak na bahagi ng kalsada at iniwasan niya ito kaya napunta sila sa kabilang linya na naging dahilan ng banggaan, ayon sa police report.
Dagdag pa rito, sinabi ni Suarez sa imbetigasyon na hindi nila nakita ang sasakyan ni Caballero dahil wala itong ilaw.
Pinabulaanan naman ito ni Caballero at sinabing si Vullag ang may pagkakamali. Dagdag niya, sinubukan pa niyang iwasan ang motorsiklo ni Vullag subalit hindi na niya nagawa dahil sa mabilis ang takbo nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, posible umano na nasira lamang ang ilaw ng motorsiklo ni Caballero dahil sa aksidente.
Ayon kay P/SMS Allan Remojo, mag-uusap na lamang ang magkabilang panig kapag nakalabas na mula sa ospital.
“Nasa hospital pa sila, under medical treatment pa, pero nagsabi naman sila na mag-uusap sa barangay [after nila ma-confine],” pahayag ni Remojo.
Ayon naman sa live-in partner ni Caballero na nakilalang si Danily Zurita, nakalabas na mula sa ospital ang kanilang limang taong gulang na anak na nagtamo ng paso mula sa tambutso, samantalang nananatili naman sa pagamutan ang kanyang asawa na nagtamo ng bali.
“Nakalabas na rin po ang anak ko kaninang umaga (Miyerkules), napaso siya ng tambutso sa kanang paa. Iyong live-in partner ko naman ay nilipat sa provincial hospital kaninang umaga rin dahil bali iyong hita at braso niya. Bumili lang sila ng ulam at pauwi na rin nang mangyari iyong [aksidente],” pahayag ni Zurita.
