Apat na wanted sa batas ang magkakasunod na naaresto ng mga pulis sa isinagawang “Operation Kuwaresma” sa Palawan, kabilang ang dalawang most wanted sa provincial at municipal level dahil sa kasong rape, noong araw ng Biyernes, Abril 2.
Unang naaresto si Bryan Calix Maberit, 23 anyos, magsasaka, sa tinutuluyan nitong bahay sa Barangay Decabaitot, Linapacan, alas diyes ng umaga.
Si Maberit ay may kasong paglabag sa Section 92 (a) ng Republic Act (RA) 10654 o ang Philippine Fisheries Code of 1998.
Inaresto si Maberit sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Arnel P. Cezar, ng Regional Trial Court Branch (RTC) 163 sa Coron, Palawan na may petsang November 17, 2020. Naglaan naman ng P60,000 piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek
Sa bayan ng Brooke’s Point, naaresto naman ang No. 1 most wanted sa municipal level na kinilalang si Jeric Gregorio Patagnan, 23, residente ng Salvacion Street, Barangay District II.
Si Patagnan ay inaresto sa bisa rin ng warrant of arrest na ibinaba ni Judge Ramon Chito R. Mendoza ng RTC Branch 165, Brooke’s Point na may petsang July 9, 2020, para sa kasong paglabag sa Sec. 5 (b) ng RA 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.
Umaabot sa P200,000 ang nakalaang piyansa sa bawat kaso kabilang ang P180,000 para sa acts of lasciviousness.
Sa bayan ng Taytay, nadakip ang rank No. 3 most wanted sa provincial level na kinilalang si Ronel Oghayon Orot, sa Sitio Timburan, Brgy. Pularaquen.
Inaresto si Orot sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Emmanuel Q. Artazo, ng Branch 14-FC Family Court of Taytay, Palawan dahil sa three counts of statutory rape noong February 8, 2021.
Sa bayan ng Aborlan, dinakip ng awtoridad si Jenard Combes Masiad, 21, magsasaka sa Sitio Linao, Brgy. Isaub, Aborlan para naman sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Judge Arlene Bayuga Guillen ng RTC Branch 13, Puerto Princesa City noong March 8, 2021, na may kaukulang piyansa na P30,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Ang mga nabanggit na suspek ay nasa kustodiya ngayon ng mga municipal police station para sa kaukulang disposisyon.
