Matapos ang mahigit tatlong buwan ng pagiging COVID-19 free ng bayan ng Rizal simula noong buwan ng Pebrero ngayong taon, nagtala ang Municipal Health Office (MHO) ng apat na kaso nitong araw ng Miyerkules, Mayo 19.
Ang apat na bagong kaso na kauna-unahang naitala bilang local transmission cases sa bayan ng Rizal ay kinabibilangan ng tatlong lalaki na 51, 60, at 64 taong gulang at isang batang babaeng 12 taong gulang.
Sa pahayag ni Dr. Kathreen Luz Micu, municipal health officer, sinabi niyang ang tatlo dito ay may mga travel history sa Lungsod ng Puerto Princesa at ang isa naman ay isa sa mga close contact ng COVID-19 positive.
Ayon kay Micu, ang tatlo ay kasalukuyan nang nasa isolation facility habang ang isa ay nasa government hospital sa bayan.
“Ito ang unang local cases natin sa Rizal as of now. Buwan po ng Pebrero ang pinakahuling kaso natin sa covid at lahat ng iyon ay mga imported cases pa,” ani Micu.
“Nagpapatuloy ang ating contact tracing at nakunan na rin ng specimen ang mga maaaring nakasalamuha ng ating mga bagong kaso,” dagdag niya.
Matapos magtala ng kauna-unahang local cases ang bayan, muling ipinaala-ala ni Micu na patuloy sundin ang mga regulasyon na nakapaloob sa minimum public health standards para sa banta ng COVID-19 katulad ng pagauot ng face mask o face shield tuwing lalabas ng bahay.
Idinagdag din niya na hangga’t maaari ay huwag magtungo sa mga lugar na may mataas na kaso ng local transmission katulad ng Lungsod ng Puerto Princesa.
“Kagaya ng sabi natin noon na huwag tayong magpakampante sa Rizal kaya paulit-ulit naming paala-ala sa lahat na sundin ang ating mga polisiya ahil ito naman ay para sa kaligtasan ng lahat at mga mamamayan ng bayan ng Rizal,” pahayag ni Micu.
