Noong unang panahon, nang ang mundo’y bagong likha, isinilang ang isang tandikan mula sa bughaw na karagatan. Ang balahibo niya ay ubod ng kariktan. Ang pakpak niya’y tulad ng isang hiyas na nagniningning sa kasukdulan ng hatinggabi. Ang tandikan ay lumipad patungo sa isang munting pulo kung saan ay mayroong isang barangay na pinamumunuan ng isang malupit na hari.
Lahat ng tao na masilayan ang tandikan ay namamangha’t umiibig sa kaniya. Mga dayuhan mula sa mga malalapit at malalayo na sulok ng mundo’y nagbubuwis ng buhay patungo sa munting pulo sa pagkakataong masulyapan lamang ang marikit na tandikan.
Ang tandikan na ito’y, sabi ng mga nakakatanda, ay biyaya mula kay Bathala. Kahit mismo ang araw, pinaunlakan ang tandikan.
Ang sikat ng araw ay lagi’y nakatutok sa kaniyang balahibo upang lalo pang tumanyag ang kaniyang dilag. Kahit mga magkaaway na bayan ay nakalimutan na ang kanilang mga sandata, pati rin angkanilang alitan upang matanaw ang kumikinang na tandikan.
Buong sangkatauhan ay sumang-ayon: ang tandikan ay nagdulot ng tuwa’t kapayapaan sa kanilang munting pulo. Tuwing ito’y masilayan, ang sabi raw ay may dala itong basbas mula sa langit.
Ngunit, ang hari ng pulo ay isang malupit at mabangis na buwaya. Siya’y nainggit sa kagandahan ng tandikan, at ito’y umusbong at naging matinding galit. Nagpatawag ito ng isang makapangyarihang diwata at inutusan siyang gawin ang isang kakila-kilabot na bagay kapalit ng walang katapusang kayamanan. Ang sabi: “Tanggalan mo ng kulay ang mundo upang mawala ang pag-ibig ng mga tao sa tandikan na iyan.”
Kinaumagahan, ang mga tao’y nagmulat at natuklasan na ang mundo’y wala nang kulay. Dahil rito, hindi na rin nila makita ang tandikan na dati’y nagbibigay buhay sa kanilang mga puso. Naglaho na ang mga magagandang araw kung saan sila’y masaya’t payapa. Bumalik sila sa dating gawi, at unti-unti nang nalimutan ang tuwang naranasan noong panahong nasisilayan pa nila ang kanilang minamahal na tandikan.
Ang sabi nila, babalik rin ang tandikan sa tamang panahon. Muli itong magniningning sa kanilang madilim na pantanaw.
Balang araw, babalik rin ang kulay sa mundo.



