Siya ay si Otol Odi, 77 taong gulang, isang netibong Palaw’an at kumakandidato bilang mayor sa bayan ng Rizal sa southern Palawan.
Hindi tulad ng ibang kandidato, si Odi ay walang kakayahang pinansyal upang patakbuhin ang sariling kampanya ngayong eleksyon para mag-ikot sa naturang bayan. Ang tanging inaasahan niya ay ang maliit na honorarium bilang punong-barangay.
Wala mang salapi, baon naman niya ang 20 taong karanasan bilang opisyal ng Barangay Punta Baja. Sa loob ng panahong ito, hindi siya natalo bilang punong-barangay o kagawad man.
Kapitan Odi kung tawagin ng mga residente ng kanyang barangay, malawak ang kanyang kaalaman sa pamamahala ng Punta Baja, at sa haba ng kanyang paglilingkod, napangalagaan niya ang kanyang malinis na pangalan.
“Noon pa, gusto ko nang tumulong. Gusto ko noong tulungan ang pamilya ko, at ngayon gusto kong tumulong sa mga kababayan ko,” sabi ni Odi.
Siya ay ipinanganak sa bayan ng Rizal. Kanyang ikinuwento ang hirap ng buhay noon sa kanilang bayan. Walang kalsada, walang paaralan at malayo sa serbisyo ng pamahalaan. Upang makapag-aral ng elementarya si Kapitan Odi ay sumasakay pa ng bangka upang makarating sa bayan ng Aborlan kung saan may eskwelahan.
Bagama’t nakapagtapos sa elementarya at hindi na nakapag-aral sa mataas na antas, maalam siya sa batas at ang kanyang disposisyon sa buhay at pulitika ay maayos at matuwid na makikita rin sa kung paano siya inirerespeto ng mga tao sa Punta Baja.
Yari sa kahoy, yero, at nipa ang kanyang bahay kaya masasabing payak na payak ang kanyang pamumuhay kapiling ng kanyang pamilya.
Ang pagiging lider ay tila nakatakda na sa kanyang kapalaran. Hindi man nakapag-aral o mayaman katulad ng ibang kandidato, siya ay tila isang ama na handang magbigay ng kalinga sa mga taong kanyang nasasakupan.
“Kung walang lalaban, paano na ang aming bayan? ‘Di ko kayang tingnan na dayuhan ang mamumuno sa amin at ang mga katutubo ay walang nagagawa habang ang kanilang lupa ay nakukuha na ng ibang tao at malalaking negosyante,” pahayag niya.
Dahil karamihan sa mga residente ng Rizal ay mga katutubo, pangarap ni Odi na isulong ang edukasyon para sa mga kabataan lalo na sa mga katutubo.
“Ito lang ang paraan upang umunlad ang aming buhay, ang edukasyon,” ayon pa kay Odi.
Napanood ko ang video sa kanyang cellphone na mukhang naiwan na ng teknolohiya, ang kanyang ginawang pangangampanya sa kanyang kapwa katutubo. Si Kapitan Odi ay pinakikinggan at nirerespeto ng tribung Palaw’an.
“Kung hindi ako tatakbo, paano na kami, ma’am?” tanong niya sa akin habang nanonood ako ng video.
Oo nga naman. Kung lahat ay takot lumaban, paano na ang ating bayan?
Sa buong maghapon, dumarating sa tahanan nito ang donasyon mula sa ibang tao. May mga tao na nagdadala ng bigas sa kanyang bahay. Mga donasyon pala ito ng mga mamamayan ng Rizal na ayaw na magpakilala. May nagbibigay ng gasolina, may ulam at ang iba naman na may computer shop ang gumagawa ng kanyang campaign materials.
Kung iikot ka sa buong bayan ng Rizal wala kang makikitang tarpaulin na may pangalan niya maliban sa sako na nakasabit sa kanyang kahoy na gate na sinulatan ng kanyang pangalan. Talagang dehado siya kung tutuusin sa kalaban niya kung pagbabatayan ang kakayahan niya na gumastos.
Kung ikaw ay nawawalan na ng pag-asa sa sistema ng pulitika sa ating bansa, dito sa bayan ng Rizal sa Palawan, muling mabubuhay ang iyong tiwala na mababago pa ang kalakaran sa ating bansa.
Handa si Kapitan Odi na harapin ang resulta ng halalan sa darating na Lunes, ika-13 ng Mayo. Ito ay kanyang haharapin ng taas noo at may dignidad dahil hindi siya namili ng boto at lumaban siya dahil alam niya na ito ang tama.