[UPDATED] Oo, ako si Local Case No. 111, COVID positive ako, at ito ang kuwento ko.
Kahit ako ay hindi makapaniwala na tatamaan ako ng Covid na ito. Tinatawanan ko lang nga ito kasi hindi ako naniniwala. Kung babalikan ko ang mga ginawa ko at kung saan ako puwedeng nahawa ay wala talaga akong maalala kung saan at kanino. Ganoon pa man, ito na nga. Totoo si Covid at hindi siya kuwentong barbero lang.
Ano nga ba ang naramdaman ko bago ko napatunayang Covid positive ako?
Halos isang linggong pabalik-balik ang lagnat ko, on and off siya, to the point na lahat na ng gamot at ritwal ay sinubukan ko. Nagpamasahe na ako, tuob at kung anu-ano pang puwedeng remedyo dahil akala ko ay simpleng trangkaso lang ito. Nawalan ako ng gana kumain kung kaya’t puro lugaw na lang ang kinakain ko na marahil ito ang nagdulot ng diarrhea sa akin. Hirap na din akong huminga, yung pakiramdam na may bara sa baga ko, sobrang sikip ng dibdib ko mag-inhale exhale, at ang ubo ko parang sobrang tigas niya na kapag umubo ka ay ang sakit ng dibdib mo.
Dito na kami nag-decide na magpa-checkup, dahil natatakot na kami na ang dami ko ng gamot na iniinom pero hindi ako gumagaling. Pumunta kami sa Beracha Hospital, nagpa-antigen ako, negative naman awa ng Diyos, pero dahil may symptoms ako ay ni-refer kami sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH)!
Sa madaling sabi ay pumunta kami ng provincial hospital kasama ang mama ko at pina-antigen nila kami pareho. Negative pa rin ang result ng antigen ko, subalit yong sa nanay ko ay positive. Hiniwalay agad kami ni mama ko, na dapat ay sasamahan niya lang ako sa hospital para may mag alalay sa akin doon.
Nilagay si mama sa quarantine facility, samantalang ako naman ay nilagay sa isang kuwarto ng isolation ng hospital. Bawal ka lumabas, bawal may kasama sa loob, tanging nurse lang ang pupunta sayo sa schedule time mo. Nilagay kami doon habang hinihintay ang result ng swab test namin. At after 4 days, boom! Positive, may Covid kami ni mama.
Three days akong naka-oxygen dahil bumaba ang oxygen level ko. Ganoon pala [ang] pakiramdam na naghahabol hininga, no? Talagang wala kang ibang kakapitan kundi ang Panginoon! Sobrang hirap sa loob ng kuwarto, naka-dextrose ka pero ikaw ang maghuhugas ng pinagkainan mo, maliligo ka mag-isa, pati paglalaba ikaw gagawa noon lahat, bawal ilabas ang mga damit. Para ka talagang made-depress. Ganoon pa man, kapit lang sa Panginoon at laging isiping kailangan kong lumakas at mabuhay para sa pamilya ko.
After three days, pinilit kong huminga ng normal, tinanggal ko na ang oxygen ko at awa ng Diyos pa amat-amat ay naging normal na ang oxygen level ko. Sa tulong ng mababait na nurse ng hospital ay mabilis akong naka-recover. Bumalik ang gana ko kumain at naging normal na ulit ang lahat sa akin. After 8 days ay nakalabas na ako sa hospital at dinala ako sa quarantine facility para kumpletuhin ang 14 days ko.
Anong mayroon sa quarantine facility?
Mas lalong bumuti ang pakiramdam ko noong inilipat na nila ako sa quarantine facility dahil nabawasan na ang pag-aalala ng pamilya ko. Magkasama na kami ni mama, sobrang comfortable ng quarantine facility sa Brooke’s Point. Mababait ang mga frontliner, masasarap ang mga pagkaing inihahanda nila sa amin, at maayos ang facility.
Ang maganda pa ay nakikita mo yung mga positive din na mga kakilala mo. Para kayong nasa community ng virus. Pero walang dirian, parang normal lang ang lahat. Dito sa quarantine ay puwede kang mag-exercise makipag-kwentuhan with face mask at social distancing, at parang feeling mo nasa bahay mo lang din ikaw. Nakakatanggal ng stress at pag-aalala ang quarantine facility.
Ano na ang kondisyon namin ni mama ngayon
Sobrang ganda na ng pakiramdam namin, wala na kaming sakit na nararamdaman! Masasabi ko na lubusan na kaming pinagaling ng Panginoon! Hinihintay na lang namin ang pag graduate namin dito.
Ano ang tips mo sa mga takot sa Covid?
Totoong nakakamatay ang Covid. Pero mas nakakamatay ay depression at stress, yung pag-aalala na baka “positive ako, kapag nag-positive ako ay baka mamatay na ako, kawawa ang pamilya ko!”
Yan ang mga posibilidad na magpapahina ng immune system mo. Ako, personally, bago pa lang kami magpa-checkup ng mama ko, tinanggap na namin sa sarili namin na baka nga Covid positive kami. Solution na ang iniisip namin at hindi yung mga negative na bagay. Kailangan mong punuin ng mga positive thoughts ang isip mo. Sabihin mo palagi sa sarili mo na kasama mo ang Panginoon, papagalingin ako ng Panginoon, naririnig ako ng Panginoon. Pagsubok lang ang mga bagay na ito. Kailangan kong mabuhay para sa pamilya ko.
Sa ganoong paraan, lalakas ka talaga. Sundin mo lahat ng bilin ng doctor mo, kung anong oras niya pinapainum ang vitamins at gamot mo, gawin mo. Kung kinakailangang mag-alarm ka para di mo malimutan ay gawin mo.
Mag-ingat tayong lahat. Totoo ang Covid kaya huwag tayong pakampante. Salamat sa Panginoong Hesus dahil sinamahan niya ako sa Covid journey ko! ALL THE GLORY AND HONOR BELONGS TO THE LORD!
Ang kuwentong ito ay mula sa mismong COVID-19 patient na si Bernard Briones na nagtatrabaho bilang project development officer II ng DSWD-Sustainable Livelihood Program na assigned sa bayan ng Sofronio Espanola. Pinayagan niya ang Palawan News na ihayag ang kanyang naging karanasan bilang Local Case No. 111.
