Pinasinungalingan ng Philippine National Police (PNP)ang mga spekulasyong kumalat sa social media na itinatago umano ang dashboard camera video ng sports utility vehicle (SUV) na sakot sa aksidente sa pagitan ng motorsiklo na naganap sa Barangay Inagawan Sub na ikinasawi ng pamilya Mones, kabilang ang dalawang bata, noong Agosto 30.
Ayon kay P/Lt. Col. Allen Palacio, taong 2020 pa ang huling na-record ng dashcam, at hindi nito nai-record ang aksidente dahil hindi ito naka-set up ng tama.
Iginiit ni Col. Palacio na hindi dapat haluan ng spekulasyon ang imbestigasyon ng kapulisan sa naturang aksidente.
“Hindi naka-loop ang video, pero hindi sira ‘yong dashcam. Hindi lang siguro na-set na continuos loop. Kasi kung sira, wala sana sila na-play na video recording. Mali lang siguro ‘yong nagamit na term na sira kaya hindi maintindihan ng maayos,” ayon kay Palacio.
Dagdag pa ni Palacio, hindi maayos ang settings ng naturang dashcam kaya hindi ito nakapag-record ng anumang video simula noong 2020.
Madaming kumakalat na espekuslayon sa mga netizen na sadya umanong itinatago ang record ng dashcam upang makita kung ano talaga ang pangyayari sa aksidente.
“Wala naman kasalanan both sides dun, kita din naman ng kamag-anak ng biktima. Sana lang wag ng laruin ng mga iresponsable at lalo paguluhin ‘yong sitwasyon,” ayon kay Palacio.
“Kaya madami nagagalit sabi hindi daw dapat ganun, kung tama settings nun sa dashcam, continues video ‘yon hindi mapupuno or mag-full memory kasi i-overwrite lang niya ‘yong previous video. ‘Yong latest video recording ‘yong mape-play dun, kaso nga hindi naayos ‘yong setting ng dashcam nung pag-install sa sasakyan niya,” dagdag pa nya.
Ito rin ang inihayag ni Joan Canja, tiyahin nang nasawi na si Liezel Mones, matapos na sila ay ipatawag ng pulisya kahapon, Setyembre 3, para ipakita sa kanila ang nilalaman ng dash cam.
“Huling record po ng ng video [ay] November 2020 pa. Tapos ang December hanggang 2021, hanggang ngayon, error na, wala na pong makita. Isang video na lang nagpi-play, nakalagay memory full,” pahayag ni Canja.
Matapos na ipakita ang kuha ng dash cam sa kanila kahapon at walang nakitang recording na may kinalaman sa aksidente, sinabihan na lamang diumano sila ng pulis na maghanap ng tao na posible nilang maging witness.
“Sabi ng mga pulis, maghanap na lang daw kami ng mga tao na puwedeng nakakita [sa aksidente] at mag-testigo sa tunay na nangyari, dahil wala ring makita doon sa dash cam,” aniya.
Samantala, sinubukan ng Palawan News na hingian ng pahayag ang hepe ng Puerto Princesa City Police Station 2 na si P/Major Alevic Rentino tungkol sa dashcam subalit hindi ito sumagot.
Kaugnay nito, hanggang sa ngayon ay wala pa rin umano silang natatanggap na kahit anong pahayag mula sa driver ng SUV na si PO1 Victor Baclagon, ngunit may inutusan na raw ito na lumapit sa kanila para makipag-ugnayan.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin umano maipaliwanag ng pamilyang Mones ang nararamdaman sa pagkawala ng kanilang kaanak dahil sa bilis ng pangyayari. Wala rin daw silang hiling kung hindi mailabas ang katotohan sa kabila ng maraming ispekulasyon na nagpapabigat lalo ng kanilang mga kalooban.
“Wala pa kaming masasabi sa ngayon. Ang pamilya po, pag-uusapan pa namin kung ano ang dapat at mabuti. Tatapusin muna namin itong problema [sa pagpapalibing] at pagkatapos saka namin pag-uusapang mag pamilya kung ano ang mga susunod na gagawin. Sa ngayon, magulo pa ang mga isip namin,” paliwanag niya.
“Tahimik po sila, pero may tao po silang pinakausap. Hindi ko pa alam ang buong detalye. Pero yung paghingi ng tawad, wala pa naman po kaming naririnig. Sa pangyayari, sa nangyari tahimik po sila wala kaming naririnig na kahit ano,” dagdag ni Canja.
