Inaresto ng mga personnel ng Philippine Marines ang isang 52-anyos na mangingisda matapos umano itong maghamon ng away habang may dalang baril sa Barangay Mangsee, Balabac, Palawan, noong October 20, ayon sa Palawan Police Provincial Office (PalPPO).
Inireport umano ng kapatid na babae ng suspek ang insidente sa Mangsee Detachment ng , Marine Battalion Landing Team-11 na rumesponde at umaresto sa kanya.
Ayon sa PalPPO, narekober ng mga awtoridad ang isang Colt .45-caliber na baril at isang magazine na may dalawang bala.
Itinurn-over ng Marines ang suspek sa Balabac Municipal Police Station, na nagsagawa ng dokumentasyon at imbentaryo ng mga narekober na gamit.
Inihahanda ng pulisya ang kasong paglabag umano sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, para ihain sa Office of the Provincial Prosecutor. Hindi nakasaad sa ulat kung lisensiyado ang suspek o rehistrado ang baril.
Sinabi ni PalPPO Provincial Director Police Col. Joel Casupanan na kailangang seryosohin ang mga ulat na may sangkot na baril dahil sa banta nito sa komunidad.
“Every report involving a firearm must be taken seriously because it poses a potential threat to the safety of individuals and the community,” ani Casupanan.
Hinimok din ng PalPPO ang publiko na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa mga awtoridad ang mga pagbabanta at kaguluhang may sangkot na armas.



