Makakaranas ng mga malalakas na pag-ulan sa Palawan ngayong Huwebes, October 22, dahil sa trough o extension ng Super Typhoon Rosal, ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Leanne Loreto.
Sa kanyang weather update ngayong umaga, inireport ni Loreto na makaaapekto rin ang trough ng bagyo sa kanlurang bahagi ng Visayas at ilang lugar sa Mindanao habang papalapit ang sentro nito sa extreme northern Luzon.
“Maging dito po sa may Palawan, aasahan po natin yung mataas na chance ng mga pag-ulan,” ani Loreto.
Walang tinukoy na dami ng inaasahang ulan o mga partikular na bayan sa Palawan sa naturang update. Hindi rin kabilang ang lalawigan sa mga lugar na nakataas ang tropical cyclone wind signal at gale warning na binanggit sa ulat.
Samantala, inaasahang mararanasan sa extreme northern Luzon ang pinakamalalakas na pag-ulan mula sa bagyo ngayong araw, kasabay ng pinakamalapit nitong pagdaan mula ngayong hapon hanggang madaling araw ng Biyernes, October 23.
Huling namataan ang sentro ng Rosal sa layong 495 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang hanging umaabot sa 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 240 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Ayon kay Loreto, patuloy na humihina si Rosal at maaari itong bumaba sa kategoryang typhoon ngayong araw. Gayunman, malawak pa rin ang sakop ng malalakas nitong hangin at nakaaapekto na sa northern Luzon ang mga rainband nito.
“Ngunit nanatili pong mababa pa rin yung tsansa na ito po ay maglandfall sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Loreto.
Inaasahan ang 100 hanggang 200 milimetrong ulan sa Batanes ngayong Huwebes at Biyernes. Maaari itong magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Nasa 50 hanggang 100 milimetro naman ang inaasahang ulan sa Cagayan at Apayao ngayong araw. Mananatili sa gayong antas ang forecast para sa Cagayan sa Biyernes.
Makararanas din ng maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Aurora, Bicol Region, Northern Samar at Eastern Samar.
Dahil naman sa trough ng Rosal, inaasahan din ang pag-ulan sa Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental at Lanao del Norte.
Sa Biyernes, maaari pa ring magdala ang trough ng mga pag-ulan sa Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Basilan at Tawi-Tawi. Mataas din ang posibilidad ng pag-ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet at Kalinga.
Nakataas ang Wind Signal No. 2 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands. Nasa Signal No. 1 naman ang nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, silangang bahagi ng Isabela, Ilocos Norte at Apayao.
Sinabi ni Loreto na Signal No. 3 pa rin ang pinakamataas na posibleng itaas. Gayunman, maaaring hanggang Signal No. 2 lamang kung mas pumahilaga-hilagang-kanluran ang direksiyon ng bagyo.
Maaari ring mabawasan ang mga lugar na nasa ilalim ng wind signal habang lumalayo ang Rosal.
Posible ang mga pagbugso ng hangin kahit sa mga lugar na walang wind signal. Ngayong Huwebes, maaari itong maranasan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa Zamboanga del Norte, Northern Mindanao, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Sarangani, Davao Occidental at Davao Oriental.
Sa Biyernes, inaasahan pa rin ang mga pagbugso sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, habang Davao Occidental at Davao Oriental na lamang ang binanggit na mga lugar sa Mindanao.
Pagsapit ng Sabado, October 24, maaaring magdala ang northeasterly wind flow ng mga pagbugso sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Polillo Islands, Bicol Region, Romblon, Capiz, Iloilo at Negros Oriental.
Nagbabala rin si Loreto sa mga alon na maaaring umabot sa 12.1 metro sa extreme northern Luzon ngayong araw.
Sakop ng gale warning ang Batanes, hilagang baybayin ng Ilocos Norte, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Aurora, hilaga at silangang baybayin ng Polillo Islands at Catanduanes, gayundin ang Camarines Norte at Camarines Sur.
“Bawal pong pumalaot ang ating mga kababayan sa lahat po ng mga areas na may gale warning dahil napaka-delikado po nito,” babala ni Loreto.
Inaasahang magpapatuloy ang Rosal sa pagkilos pahilagang-kanluran sa susunod na 24 oras bago posibleng lumiko pahilaga-hilagang-kanluran sa hapon ng Biyernes.
Maaari itong lumabas sa Philippine Area of Responsibility mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga. Patuloy naman ang inaasahang paghina nito sa kabuuan ng forecast period.



