Arestado ang isang 46-anyos na tricycle driver na kabilang sa Top 3 Provincial Most Wanted Persons ng Palawan dahil sa kasong rape sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Sofronio Española noong Miyerkules, October 21.
Kinilala ang akusado sa alyas na “Ram,” residente ng Barangay Pulot Shore sa nasabing bayan.
Nadakip ang suspek sa pinagsanib na operasyon ng Sofronio Española Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit ng Palawan Police Provincial Office (PPO), Regional Intelligence Unit 4B at 401st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion.
Batay sa ulat ng pulisya, inilabas ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 165 sa Brooke’s Point ang warrant of arrest laban sa akusado noong September 17.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sofronio Española MPS ang naarestong indibidwal para sa kaukulang disposisyon.
—



