Balak ng DMCI Power Corp. na maglagak ng ₱3 bilyon para sa panibagong 15-megawatt (MW) coal-fired power plant sa Narra, Palawan, na magdodoble sa kapasidad ng kasalukuyan nitong thermal plant sa bayan.
Ayon sa report ng Bilyonaryo News Channel kahapon, October 15, itatayo ang bagong planta katabi ng umiiral na 15-MW facility ng DMCI Power sa Barangay Bato-Bato.
Kapag natapos, aabot sa 30 MW ang pinagsamang kapasidad ng dalawang planta.
Ang dagdag na kapasidad ay nakalaan para suportahan ang power supply agreement ng kompanya sa Palawan Electric Cooperative (PALECO), habang patuloy na tumataas ang pangangailangan sa kuryente sa Palawan Main Grid.
Kasalukuyang kumukuha ang DMCI Power ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tinatawag nitong Phase 2 Expansion. Nakaplanong patakbuhin ang bagong planta sa loob ng 30 taon.
“The Phase 2 Expansion is therefore recognized by the national government as a critical project that will augment dependable capacity for the Palawan Main Grid, support long-term energy security, and contribute to regional economic development,” saad umano ng DMCI Power sa isinumite nitong dokumento sa DENR.
Mahigit isang dekada na ang DMCI sa power supply ng Palawan
Hindi bago ang DMCI Power sa power sector ng Palawan. Noong 2012, nanalo ang kompanya sa bidding na isinagawa ng PALECO para sa karagdagang power supplier ng Palawan Main Grid habang tumataas ang peak demand at kinukulang ang umiiral na supply.
Kabilang sa naging bahagi ng plano nito ang pagtatayo ng diesel generating capacity at 15-MW coal-fired power plant sa Narra.
Dumaan sa ilang taon ng pagkuha ng mga clearance at pag-apruba ang coal plant sa Narra. Kabilang dito ang mga konsultasyon sa mga barangay, endorsement ng Sangguniang Bayan ng Narra at Sangguniang Panlalawigan, at environmental clearance mula sa DENR.
Labis na tinutulan ito ng mga environmentalist at ibang sektor, ngunit naisakatuparan pa rin.
Noong June 26, 2023, na-synchronize sa Palawan grid ang 15-MW thermal plant sa Bato-Bato. Nagsimula naman ito ng commercial operations noong August 15, 2023.
Lumaki mula noon ang bahagi ng thermal plant sa power generation ng DMCI sa Palawan. Noong 2024, umakyat ng 19% ang power generation ng kompanya sa lalawigan, mula 208.7 gigawatt-hours noong 2023 sa 247.7 GWh.
Palawan din ang pinakamalaking market ng DMCI Power noong taong iyon, na kumatawan sa 41% ng kabuuang energy sales nito.
May iba pang generating facilities ang DMCI Power sa Palawan bukod sa Narra thermal plant, kabilang ang bunker at diesel units sa Aborlan at Irawan at mga generating units na ginagamit sa iba pang bahagi ng lalawigan.
Naging mahalaga rin umano ang Narra plant sa supply ng southern Palawan sa panahon ng problema sa transmission system. Noong May 22, 2026, sinabi ng PALECO na ginamit ang DMCI Thermal Plant sa Narra upang maibalik ang supply sa mga bayan sa southern Palawan matapos magkaroon ng system blackout dahil sa naputol na transmission line sa Inagawan, Puerto Princesa.
Exempted sa coal moratorium?
Bagama’t may moratorium ang Department of Energy (DOE) sa mga bagong coal-fired power plant, nakakuha ang Phase 2 project ng DMCI Power ng exemption noong May 31, 2024, ayon sa ulat.
Binigyan din ang proyekto ng Certificate of Energy Project of National Significance, na kumikilala rito bilang proyektong mahalaga sa energy supply ng bansa.
Sinabi ng DMCI Power na gagamit ang bagong planta ng circulating fluidized bed technology. Ayon sa kumpanya, makapagbibigay ito ng mas murang at mas matatag na alternatibo sa imported fuel oil na ginagamit sa maraming off-grid power systems.
Ang kasalukuyang 15-MW plant sa Narra ay kabilang sa dalawang thermal power plants ng DMCI Power sa off-grid market, kasama ang isa pang 15-MW facility nito sa Masbate. Ayon sa kumpanya, ang mga plantang ito ay dinisenyo upang maaaring gumamit ng biomass kasama ng coal.
Para sa proposed expansion, sinabi ng DMCI Power na gagamit ito ng emission-control equipment na katulad ng nasa kasalukuyang planta, kabilang ang electrostatic precipitators at limestone feeding systems, upang matugunan ang environmental standards.
Kapag natuloy ang ₱3-bilyong expansion, madaragdagan umano ng 15 MW ang dependable generating capacity na maaaring maipadala sa Palawan Main Grid habang patuloy na lumalaki ang demand sa kuryente sa lalawigan.



