Naghahanda ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng bayan ng Dr. Jose P. Rizal para sa mas mahigpit na regulasyon sa pag-aani ng Almaciga resin matapos matukoy sa field assessment na may mga punong napinsala dahil sa over-tapping sa CADT-PaLaTa area.
Ayon kay MENRO chief Jenel Torres, kailangan ang mas regular na pagsusuri sa kondisyon ng mga puno upang matukoy kung alin ang maaaring patuloy na tapahan, alin ang nangangailangan ng recovery period, at kung aling mga lugar ang dapat higpitan ang proteksyon.
“May mga puno na kinakailangang tutukan ang kondisyon dahil ang paulit-ulit o hindi tamang tapping ay maaaring magdulot ng pinsala sa puno. Kaya mahalaga ang regular assessment upang matukoy kung alin ang nasa maayos na kondisyon, alin ang nangangailangan ng recovery period, at kung may mga lugar na kailangan ng mas mahigpit na protection,” paliwanag ni Torres.
Isinagawa ang assessment sa CADT-PaLaTa noong September 15 hanggang 17, na sakop ang mga barangay ng Panalingaan, Latud at Taburi.
Bagama’t mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga katutubo sa lugar ang Almaciga resin, sinabi ni Torres na kailangan ding mapanatili ang mga puno dahil sa papel ng mga ito sa forest cover, watershed protection at pagbibigay ng tirahan sa wildlife.
“Hindi lamang protection ng mga puno ang concern natin. Tinitingnan din natin kung paano mapapanatili ang Almaciga bilang sustainable source of livelihood ng ating mga kapatid na Katutubo,” dagdag niya.
Gagamitin ng MENRO ang resulta ng assessment bilang technical basis sa pagtukoy ng mga kailangang intervention, kabilang ang enrichment planting, Almaciga regeneration initiatives at mga lokal na conservation protocol sa lupaing ninuno.
“Ang resulta ng assessment ang magiging technical basis ng MENRO para malaman kung ano ang kinakailangang intervention,” sabi ni Torres.
Kasunod ng assessment, ipatutupad ng MENRO at ECAN, kung kinakailangan, ang capacity-building at training para sa mga katutubong resin gatherers sa CADT-PaLaTa.
Ituturo sa mga gatherer ang mga pamantayan ng sustainable tapping, kabilang ang pag-iwas sa sobrang lalim at lawak ng sugat sa puno, hindi paulit-ulit na pagtap sa iisang bahagi at pagbibigay ng sapat na panahon para makabawi ang puno.
Layunin ng mga hakbang na makakuha ng resin nang hindi nagdudulot ng matinding pinsala o pagkamatay sa mga puno ng Almaciga.
Tutulungan din ng MENRO ang mga katutubo sa pagproseso ng kanilang legal na dokumento sa Department of Environment and Natural Resources at Palawan Council for Sustainable Development upang matiyak na naaayon sa mga umiiral na patakaran ang kanilang pangongolekta.
Magpapatuloy din ang field monitoring ng MENRO kasama ang mga kinatawan ng katutubong komunidad upang masubaybayan ang pagsunod ng mga harvesters sa tamang tapping practices at ang natural na pagbabagong-buhay ng mga puno sa kabundukan.
Para kay Torres, hindi dapat pagpilian ang proteksyon ng kalikasan at kabuhayan ng komunidad.
“Para sa MENRO, hindi dapat maging choice ang kabuhayan o kalikasan. Ang ating Indigenous communities ay hindi lamang beneficiaries—sila ay partners at frontliners sa pangangalaga ng kagubatan,” diin niya.
Sinabi ng MENRO na kabilang sa mga dapat pagtuunan para sa pangmatagalang pangangalaga ng kagubatan ang pagkakaroon ng legal na kabuhayan, responsableng pag-aani at pagpapanatili ng mga protektadong kagubatan.



