Inaprubahan ng isang komite sa Senado ang mga panukalang ipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa November 2026 at gawing limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK.
Tinapos ng Senate committee on local government nitong Lunes ang pagtalakay sa Senate Bill 2067 ni Sen. Imee Marcos.
Layunin nitong ilipat sa October 2027 ang BSKE na nakatakda sa November 2, 2026.
Inaprubahan din ng komite para sa kaukulang aksyon ang Senate Bill 2387 ni Sen. Francis “Chiz” Escudero. Iminumungkahi nitong gawing limang taon mula sa kasalukuyang apat na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang pagpapaliban ng halalan para mabawasan ang gastusin ng mga botante, lalo na ngayong mataas ang presyo ng gasolina. Binanggit din niyang natapat sa All Souls’ Day ang nakatakdang halalan sa Nobyembre 2.
Nilinaw naman ni Escudero na ang kanyang panukala ay para permanenteng gawing limang taon ang termino ng mga opisyal at hindi lamang para ipagpaliban ang susunod na halalan.
“The natural effect will, of course, be to postpone the upcoming election, but the subject matter of this bill is fixing the term, not just postponement,” sabi ni Escudero.
Ayon kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting National Coordinator Arwinie Serrano, maaari pa ring ipatupad ang panukalang limang taong termino kahit matuloy ang halalan sa Nobyembre 2.
Sinabi ni Serrano sa komite na nagsimula na ang mga paghahanda para sa nakatakdang halalan.
Ayon naman kay Commission on Elections Chairperson George Garcia, nasa ₱8 bilyon na ang nagastos ng Comelec para sa BSKE.
Sinabi ni Garcia na maaari pang itago at gamitin ang ilang election materials, kabilang ang mga ballot box at naimprentang balota, kung maililipat ang halalan. Gayunman, posibleng gumastos muli para sa voter registration, personnel services at overtime work.
Ilalagay sa committee report ang pag-apruba sa mga panukala, kasama ang mga pagbabagong ibabatay sa mga isyung tinalakay sa mga pagdinig.
Kapag napirmahan na ito ng kinakailangang bilang ng mga miyembro ng komite, isusumite ang report sa Senate plenary para talakayin.
Nauna nang sinabi ng Comelec na kailangang magdesisyon agad ang Kongreso para malaman kung itutuloy nito ang paghahanda para sa halalan sa Nobyembre 2 o babaguhin ang mga plano nito.



