Nag-activate ang Department of Health (DOH) ng “leptospirosis fast lanes” sa mga pampublikong ospital bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng mga kaso matapos ang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang linggo.
Sakop ng mga ospital ang Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region upang mapabilis ang pagtugon sa mga pasyenteng posibleng may leptospirosis.
Tinitiyak din ng DOH na sapat ang mga kama at gamot sa mga ospital sa pamamagitan ng surge capacity management para sa mga pasyenteng kailangang ma-admit.
Batay sa datos ng DOH na inilabas noong Agosto 22, umabot na sa 4,285 ang kaso ng leptospirosis sa buong bansa.
Mas mababa ito ng 37% kumpara sa 6,839 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, nakapagtala ang DOH ng pagtaas ng mga kaso mula Hulyo 26 hanggang Agosto 8, kung kailan 495 kaso ang naitala kumpara sa 383 kaso mula Hulyo 12 hanggang 25, o 29% na pagtaas.
Banta mula sa ihi ng daga: 54 leptospirosis cases naitala sa Palawan, lima patay
Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Ayon sa DOH, inaasahan ang pagtaas ng leptospirosis matapos ang pagbaha dahil karaniwang lumilitaw ang mga sintomas lima hanggang 15 araw matapos mahawa.
Ang leptospirosis ay maaaring makuha sa pagkalantad sa tubig o lupa na kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular ng mga daga. Maaari itong makapasok sa katawan sa pamamagitan ng sariwang sugat o bibig, ilong at mata.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pagduduwal, pagkahilo at panghihina. Maaari itong maging malubha at mauwi sa pagkamatay kung hindi maagapan.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na iwasang lumusong, maligo o maglaro sa baha. Kung kinakailangang lumusong, inirerekomendang magsuot ng bota at agad na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang mga paa pag-uwi.
Dapat ding iwasan ang pagkalantad sa baha kung may bukas na sugat at agad na magpakonsulta sa doktor kung may mga sintomas na maaaring senyales ng leptospirosis sa halip na uminom ng gamot nang walang payo ng health professional.
Noong August 19, 2026, iniulat ng Palawan News na nakapagtala ang Palawan ng 54 kaso ng leptospirosis at limang pagkamatay hanggang Morbidity Week 31. Sa kabuuang bilang, 49 na pasyente ang nakaligtas.



