Trending ngayon sa hanay ng mga DRRM workers sa social media ang panawagan na kilalanin, pahalagahan at bigyang proteksyon ang kanilang sektor. Lumalabas ang frustrations ng marami sa sa kanila dahil sa tila tahasang pagbalewala sa ambag sa bayan ng mga DRRM workers ng marami sa ating mambabatas dahil hanggang sa ngayon ay walang pang liwanag na natatanaw ang pagsasabatas ng Magna Carta for Public DRRM Workers at iba pang mga batas na nagsusulong ng protection at maayos na organizational structure para sa kanila.
Sa dami ng kailangan kong isipin, ‘di ko maiwasang magreflect at humanap ng sagot sa mga tanong na:
“Bakit tila walang dating ang DRRMO sa Pamahalaan?”
“Bakit invisible ang efforts nila tila ibang hanay ang kinikilala?”
“Ano ang kulang sa hanay ng DRRM Workforce para kilalanin at bigyan ng proteksyon?”
Karamihan walang security of tenure.
97% contractual o job order.
Walang inaasahang plantilyadong posisyon.
Humaharap sa hazards pero walang hazard pay.
Walang protection, physically, legally, at socially.
Hindi sa hindi mahalaga ang DRRM Workers – ang malalang problema ay hindi pa umaangat sa antas ng pambansang pagkilala ang kanilang tunay na papel sa disaster governance at sa national development spectrum. At may malalim na dahilan kung bakit ganito ang nangyayari.
1. Fragmented and DRRM Workforce. Hindi tulad ng Arm Forces of the Philippines and Philippine National Police at iba pang uniformed agencies na may national uniformed structure, ang DRRM Workforce ay nakakalat sa Office of Civil Defense, Local DRRMOs, Health, Social welfare, engineering, agriculture, volunteers at iba pa. Sa dami ng ahensyang pasok sa DRRM Workforce walang mailatag na organisadong national structure. In short – walang departamentong naglalatag ng sistema at nagrerepresent sa national na pamunuan. Ang resulta, walang sapat na collective professional identity and national visibility. Ito marahil ang dahilan kung bakit kahit nagdudumilat ang katotohanan na ang hanay naming ay kabilang sa frontliners noong panahon ng Pandemic, hindi kami isinama sa hanay ng tumanggap ng Health Emergency Allowance. Naturingan pa nga silang mga WALANG HEA. Ito rin ang nakikita kong dahilan kung bakit mas nakikita ang presence ng PNP at mga sundalo o maging ng mga BHW tuwing may response operations kahit nandun ang mga local rescuers. May presence ngunit walang katawan, walang structure na represented mula sa local hanggang sa national.
2. Invisible ang pinakamalaking trabaho ng DRRMO. Nasa loob ng Emergency Operations Center, Incident Command Post, planning rooms, data management rooms, naka community trainings, online coordination, hazard assessment o damage assessment activities at prepositioning ng resources na kailangan sa response operations. Kaya kapag matagumpay ang evacuation at walang namatay sa insidenteng pinamunuan ng DRRMO ang operasyon, bihirang itanong ng publiko:
“Sino’ng nag monitor?”
“Sino’ng nagbigay ng babala?”
“Sino ang nagplano?”
“Sino ang nagpreposition ng resources?”
Palaging “behind the scene” ang DRRMO. Sila ang gumagawa ng risk assessment, monitoring, data collection, early warning, coordination, logistics, incident management, damage assessment, contingency planning. Lahat ng ito ginagawa upang hindi humantong sa disaster ang banta ng isang incident. At the end of the day, boring, walang masyadong ganap. Isang ordinaryong routine na ginugol sa loob ng Emergency Operations Center at Incident Command Post na ang resulta ay walang kailangang paglamayan, walang kailangang hanapin, ‘di na kailangan ng malaking halaga para sa rehabilitation at recovery.
3. Response-oriented pa rin ang public perception. Celebrated ang successful rescue operations habang ang mga gawain sa likod ng successful operations tulad ng risk assessment, contingency planning, logistics planning, early warning, mapping, training ay hindi pang front page.
Ngunit bakit ba kailangan ng response? Bakit humahantong sa point na kailangan ng rescue? Kailangan ng rescue dahil may mga risk na hindi na-reduce o namanage ng maayos. Kailangan ng rescue dahil kulang sa kaalaman at kakayahan. Samakatwid, ang rescue operations ay maaaring resulta ng kakulangan sa effort to manage and reduce risk or isang consequence na kelangang bunuin ng isang DRRM workers dahil hindi nya nagawa ng maayos ang dapat na trabaho nya… and risk reduction and management.
4. Iba-iba ang mindset ng mga pinuno ng LGU at ahensya sa functions ng DRRMO.Kahit na malinaw na nakasaad sa RA 10121 at sa paggamit ng “common sense” sa pag interpret ng Risk Reduction Management, para sa marami ang DRRMO ay synonymous sa RESCUE. Dahil dito, binubuhos ng mga pinuno ng bayan at ahensya ang pondo sa ambulance at emergency response unit services dahilan para mas tumaas ang exposure ng mga responders sa risk ng kaakibat ng emergency response operations, maubos ang resources na dapat sana ay gamitin din sa research, data gathering para sa science-based decisions, training na dapat sanang maging daan para sa empowerment ng bawat community.
May mga leaders naman na pinipiling gamitin ang tunay na essence ng disaster risk reduction management in favor of development. Ginagamit ang DRRM bilang kalasag ng mga inilatag na developmental programs maging upang tunay na angkop, sustainable, and resilient sa anumang future threats dahil nilapatan ng risk assessment, kinilala ang current and future threats, ginamitan ng data, pinaghandaan at may element ng pagpigil at pagbawas sa posibleng epekto ng banta.
Kapag ganito ang mindset ng leader, ang bawat DRRM activity ay katumbas na rin ng pagliligtas ng buhay. Ang rescue units ay magiging bahagi na ng paghahanda para sa epekto ng ongoing, emerging and unmanaged risks. Mabibigyan ng sapat na pansin ang mga pag aaral, pagkulekta ng data, at empowerment ng bawat kumunidad at lahat ng sector na kabahagi sa development.
Sa isang bansang paulit ulit na nakakaranas ng bagyo, baha, landslide, lindol, vulcanic eruption, tsunami, complex emergencies, security threats na pinalala ng kurapsyon, mis at disinformation, nararapat na kilalanin na ng pamahalaan na critical national workforce ang Public DRRM. Nararapat na isaayos na ang national DRRM structure kung saan may matatag na resresentation sa mataas na pamunuan ang DRRM at hindi lamang sa level ng policy making. Kung patuloy na ipagwawalang bahala ito, patuloy din nating uulitin ang spiral of disaster dahil ang mga taong may puso para humarap sa sakuna habang ang marami ay tumatakbo palayo dito ay hindi protektado, hindi kinikilala at hindi binibigyan ng kapangyarihan.
Sa huli,masasabi nating ligtas ang lahat kapag ang tagapagligtas ay may masasandalan at mapagkukunan ng lakas. Panatag ang bayan kung panatag ang mga tagapagligtas nito; hindi nlamang mga sundalo, pulis, bumbero, coastguard, kundi maging ang mga taong kumikilos upang ihanda and bayan sa anumang banta, gumawa ng paraan upang pigilan o bawasan ang masamang epekto ng mga banta at panganib at tumugon kung kinakailangan sa pamamagitan ng rescue at emergency response operations. Dahil para sa kanila, ang sukatan ng isang matatag na pamayanan sa pagharap sa mga hamon ng banta at sakuna ay kapag dumating ang panahon na pwede na silang matulog at magpahinga sa gitna ng mga kaganapang ito kung saan ang buong bayan kumikilos na para sa kanilang sariling kaligtasan.



