Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson nitong Biyernes na umabot na sa 32 ang mga flood control project sa Taguig City na tinutukoy ng kanyang grupo bilang umano’y anomalya, kasabay ng panawagan na papanagutin ang mga sangkot.
“Impunity has its own limits. Maybe it’s time for justice and accountability to take over,” ani Lacson sa isang pahayag.
Ayon sa senador, patuloy na nadaragdagan ang mga proyektong tinutukoy niyang “grossly anomalous flood control projects” sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.
Ikinonekta rin ni Lacson sa pamilya Cayetano ang umano’y ilegal na reclamation sa lugar, na aniya ay isinagawa sa loob ng ilang taon sa ilalim ng mga proyektong inilalarawan bilang flood control at mitigation.
Binanggit ni Lacson ang ulat ng “24 Oras” na nagsabing nagsimula ang imbestigasyon sa mga proyekto noong huling bahagi ng 2025 matapos matukoy umano na hindi nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa mga kinauukulang ahensya at hindi nakumpleto ang mga kinakailangang proseso.
Ayon sa ulat, na-flag ng Department of Environment and Natural Resources ang mga proyekto noon pang Oktubre 2025 dahil hindi umano nakatutulong ang mga ito sa paglutas ng pagbaha.
Kabilang sa mga proyektong tinukoy ang P94-milyong flood control project sa Barangay Lower Bicutan na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways, P49.9-milyong multipurpose building sa Lakeshore Complex reclamation site, P94-milyong Laguna Lakeshore improvement project at dalawang flood mitigation rehabilitation project na nagkakahalaga ng tig-P141.8 milyon sa Phases 4 at 5.
Sinabi naman ni Laguna Lake Development Authority General Manager Leopoldo Parumog na hindi umano nakipag-ugnayan ang Taguig City government sa ahensya bago ipatupad ang mga proyekto.
Ayon sa kanya, kailangan muna ng public consultation at mga permit at clearance bago magsagawa ng construction sa bahagi ng lawa.
Samantala, muling binanggit ni Lacson ang sinabi umano sa kanya ng mga opisyal ng Philippine Reclamation Authority tungkol sa umano’y pangha-harass ni dating Senate president Alan Peter Cayetano sa mga opisyal ng ahensya noong plenary deliberations para sa panukalang 2026 budget ng Office of the President noong Nobyembre 2025.
“That’s why Cayetano harassed the PRA officials during the November 2025 budget plenary deliberations of the Office of the President, PRA being under the OP. That’s as revealed to us by the PRA officials when we met with them early this week,” ani Lacson.
Itinanggi na ni Cayetano ang pagkakaroon ng ghost flood control projects sa Taguig at hinamon si Lacson na imbestigahan din ang mga proyekto sa ibang lungsod sa halip na ituon ang pagsisiyasat sa Taguig dahil sa kanilang hidwaan.
Nagsimula ang alitan ng dalawang senador noong Mayo sa gitna ng leadership struggle sa Senado, nang pangunahan ni Cayetano ang matagumpay na pagpapalit sa liderato ng kapulungan. Kabilang si Lacson sa mga bumatikos sa naturang hakbang.



