Hinimok ni Vice President Sara Duterte si Palace Press Officer Claire Castro na maging propesyonal matapos nitong tawaging “baseless” at “nonsense” ang pahayag niya na umano’y “lapdog” ng administrasyong Marcos ang International Criminal Court (ICC).
“Uulitin ko ha, si Claire Castro is a spokesperson of the President and the Office of the President. Hindi ko alam kung kaninong spokesperson siya pero by the fact na spokesperson ka at mayroong seal ng Office of the President diyan, dapat maging professional ka sa mga sinasabi mo,” ani Duterte sa panayam sa Davao City matapos dumalo sa Thanksgiving Mass para sa Kadayawan Festival.
Ayon kay Duterte, bilang tagapagsalita ng Office of the President, hindi dapat nagsasalita si Castro batay lamang sa personal na opinyon.
“She doesn’t have the liberty na tulad sa atin na pwedeng magsalita ng kahit anong iniisip natin at kahit anong opinion natin kasi nagsasalita tayo para sa sarili natin. Pero kapag may seal sa likod mo, sa harap mo, kung ano yung professionalism na hinihingi galing doon sa opisina na yun, yun dapat ipakita at ibigay mo sa taong bayan,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Castro na walang batayan ang alegasyon ni Duterte na kontrolado ng administrasyong Marcos ang ICC.
Nitong Huwebes, binatikos din ni Castro ang bise presidente kaugnay ng tila hindi nito pagkakaalam sa panukalang Pax Silica initiative matapos tumanggi itong magbigay ng komento sa isang panayam sa The Hague noong nakaraang buwan.



