Tahimik ang naging civil wedding ng actress na si Bea Alonzo at ng businessman na si Vincent Co sa Makati City nitong Lunes, July 13.
Kinumpirma mismo ni Makati Mayor Nancy Binay na kasal na ang dalawa at siya ang nagkasal sa kanila. Ginawa niya ang kumpirmasyon sa kanyang post sa Facebook noong Martes.
“Kinasal ko na po sila! Congratulations & Best wishes Vincent & Bea,” ani Binay.
Ayon sa ulat, ginanap ang seremonya sa opisina ng alkalde. Dumating umano ang mag-asawa nang sila lamang at hindi dumalo ang kanilang mga magulang.
Simple ang kasuotan ni Bea na nakasuot ng cream suit dress, habang naka-short-sleeved barong naman si Vincent, na kabilang sa pamilyang nagmamay-ari ng Puregold retail chain.
Bago ang kasal, bumili umano ang dalawa ng condominium unit sa Rockwell sa Makati at naging opisyal na residente ng lungsod.
Nauna nang napaulat na hindi natuloy ang kanilang planong kasal sa Spain noong Mayo dahil umano sa hindi pagkakasundo sa ilang probisyon ng kanilang prenuptial agreement.
Sa kabila ng mga naging usap-usapan, tuluyan nang nagpakasal ang dalawa sa isang pribado at simpleng seremonya.



