Patay ang isang baka matapos mabangga ng pickup truck sa national highway sa Barangay Antipuluan, Narra, southern Palawan, bandang 11:30 ng gabi noong April 24, ayon sa Palawan Police Provincial Office (PalPPO).
Batay sa ulat ng provincial police, binabagtas ng isang JMC Vigus Work 4×4 MT GL Double Cab na minamaneho ng isang alias “James,” 45, ang kalsada mula Brooke’s Point patungong Puerto Princesa nang biglang tumawid ang baka at nasalpok ng sasakyan.
Walang nasaktan sa driver at dalawang sakay nito, ngunit nagtamo ng pinsala ang sasakyan. Dinala sa himpilan ng pulisya ang pickup truck para sa kaukulang disposisyon.
Pinaalalahanan naman ang mga may-ari ng alagang hayop na tiyaking nakatali o nakakulong ang kanilang mga alaga upang maiwasan ang paglabas nito sa kalsada at posibleng magdulot ng aksidente.



