62 anyos na lolo, patay sa bayan ng Bataraza

Ang biktima ay kinilala ng kanyang pamilya na si Robert Ballina Leopando, balo, at residente ng Sityo Tagbita, Brgy. Taburi, Rizal.

Patay ang isang 62 anyos na lolo sa Barangay Culandanum sa bayan ng Bataraza noong Enero 11 habang ito ay bibili sana ng gasolina na inilalako rin nito.

Ang biktima ay kinilala ng kanyang pamilya na si Robert Ballina Leopando, balo, at residente ng Sityo Tagbita, Brgy. Taburi, Rizal.

Ayon sa anak ng biktima na si Mary Jean Bustamante, hapon ng January 10 umalis si Leopando ng kanyang bahay na ang hinala nila ay bibili lang ng gasolina sa Brgy. Panalingaan na sakop din ng bayan ng Rizal, ngunit hindi na ito nakabalik.

Natagpuan na lamang itong basag ang mukha at wala ng buhay, sabi ni Bustamante.

Sa panayam sa kanya ng Palawan News noong Huwebes, sinabi ni Bustamante na ipinagtataka nila kung bakit ito napunta sa Sityo Panas sa Culandanum at doon ay nakitang basag ang mukha at patay na.

Noong January 11 ay may pumunta diumano sa kanyang bahay sa Brgy. Punta Baja para ibalita ang nangyari.

“Sabi ng kapitbahay niya umalis, siya ng alas kuwatro ng hapon may dala siyang container at saka babalik lang daw agad. Hindi na nga niya sinara ang tindahan niya. Ibig sabihin hindi talaga siya magtatagal sa pupuntahan niya,” sabi ni Bustamante.

“Hindi na siya nakabalik magdamag. Tapos kinabukasan, maaga pa may pumunta sa bahay ko sinabi yong nangyari kay papa,” dagdag pa nito.

Pumunta sila sa Bataraza para kumpirmahin ang nangyari at nagulat sila sa nakitang itsura ni Leopando. Hindi na ito makilala dahil durog ang mukha na sa paniniwala nila ay hinampas ng kahoy o kaya ay bato.

Ayon sa kanya, ang duda nila ay na-holdup si Leopando dahil sa nawawala ang bag nito kung saan kalimitang nakalagay ang pera nito, ilang alahas na ginto, at pera.

Sabi ni Bustamante, parang naka-droga ang gumawa ng krimen dahil sa nangyari sa kanyang tatay.

“May nakuha din na P3,140 sa side pocket ni papa ang mga pulis. Pero yong bag n’ya nawawala, doon nakalagay ang mga pera niya, negosyante kasi si papa, may tindahan siya na maliit. Nagbebenta din siya ng gasolina. Tapos may kuwintas din siya na malaki at saka pendant doon sa bag saka yong kanyang diver’s watch,” pahayag nito.

“Yong gumawa noon sa papa ko hindi lang basta-basta, eh. Yong ganoong sinapit ni papa ang makakagawa lang noon naka-drugs lang po,” dagdag ni Bustamante.

Possible din umano na kilala ni Leopando ang suspek at wala din siyang alam na kagalit ng kanyang tatay.

Kaugnay sa balitang ito, inaantay ng pamilya na maglabas ng ulat ng imbestigasyon ang Bataraza municipal police station para malaman nila kung ano ang kanilang susunod na hakbang.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry