ODIONGAN, Romblon — May aabot sa limampu’t dalawa (52) na edad 95-99 na senior citizens sa 14 na bayan sa probinsya ng Romblon ang nakatanggap ng cash incentive nitong Enero 14 mula sa provincial government ng Romblon. Dagdag ito sa labingwalong (18) senior citizens na nabigyan noong ika-20 ng Setyembre ng nakaraang taon.
Ayon sa hepe ng Provincial Social Welfare Development Office na si Vilma Fos, nakatanggap ang mga seniors ng P50,000 cash incentive bilang tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga matatandang walang natatanggap na pensyon sa gobyerno. Ang natanggap nilang pera ay maaari nilang magamit pambili ng kanilang mga kailangang pagkain at gamot.
Hiwalay pa ang nabanggit na insentibo na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa insentibo na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kapag umabot sila sa edad na 100 taon bilang kanilang centenarian gift mula sa pamahalaan.
Batay sa datos ng PSWDO-Romblon, mula sa mga bayan ng Magdiwang, Cajidiocan, San Fernando, Banton, Romblon, San Agustin, Sta. Maria, Calatrava, San Andres, Odiongan, Ferrol, Looc, Sta. Fe, at Alcantara ang mga matatandang nakatanggap ng cash incentive.
Pinangunahan nina Romblon Governor Jose Riano at Congressman Eleandro Madrona ang pagkakaloob ng cash incentive sa mga senior citizens.
Ngayong 2020, panibagong batch na naman ng mga senior citizens na edad 95-99 ang mabibigyan ng cash incentive ng pamahalaang panlalawigan.
Pinapayuhan ang publiko kung may kakilalang kwalipikado ay lumapit na sa Provincial Social Welfare Development Office para maisama sa susunod na mabibigyan. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)