Sama-samang dumulog sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 noong Miyerkules ang may 50 miyembro ng isang microfinance company matapos umanong tangayin ng kanilang kolektor ang pera na ipambabayad sana nila sa inutang din na pera.
Inaakusahan ng mga biktima ang kanilang center chief na si Ronela Siton na tumangay umano ng halagang P50,000 na pinagsama-sama nilang bayad para sa kanilang lingguhang pagbabayad sa CARD Microfinance Company.
Ayon sa biktima na si Leopoldo Perez, si Siton ang pinagkatiwalaan nila ng kanilang weekly payment dahil inisip nilang mapagkakatiwalaan ito.

“Siya po kasi ang nangongolekta ng mga pambayad namin. Kapag naipon niya na, saka niya ibabayad sa opisina ng CARD. Nagulat na lang kami na bigla siyang nawala,” pahayag nito.
Sabi niya, matapos makakolekta sa kanila, nagpahatid pa si Siton sa bayan kasama ang isa nitong anak, pero may plano na pala itong itakbo ang pera.
Sabi pa ni Perez, walang kinalaman ang microfinance company dahil hindi pa pumapasok ang pera na dinaan nila kay Siton.
“Ang sabi sa amin ng CARD, hindi naman nila pwedeng tapalan ‘yon dahil di pa naman nahahawakan at nakakapasok sa kanilang opisina ang pera,” dagdag na pahayag ng isa pang biktima na si Norma Reyes.
Ayon naman kay Police Chief Master Sergeant Emmanuel de Asis, handa silang tulungan ang mga natangayan ng pera pero kailangang dumaan sa tamang proseso at imbestigasyon ang kanilang reklamo.
Puwedeng sampahan ng kasong large scale estaffa si Siton, pero kailangan muna nilang idaan sa barangay ang complaint para masertipikahan ito.
Pagkatapos nito, iimbitahan si Siton para malaman ang katotohanan sa nangyari, sabi ni De Asis.