LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Isinagawa ang mga serye ng pagsasanay sa iba’t-ibang lugar sa lungsod ng Calapan para sa gaganaping 4th Quarter 2019 Nationwide Simultaneous Earthquake and Tsunami Drill noong Oktubre 15.

Ang pagsasanay ay pinangunahan ng Office of the Civil Defense – Regional Disaster Risk Reduction Management Council, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at City Disaster Risk Reduction Management Office.

Ang unang pagsasanay ay ginanap sa Oriental Mindoro National High School (OMNHS) matapos tumunog ang sirena dakong 10:00 a.m., kung saan nakilahok ang nasa humigit-kumulang 8,000 estudyante pati ang kanilang mga guro upang ituro ang gagawin sa paglikas sakaling tumama ang malakas na lindol.

Kasunod ay sa lugar ng Kapitolyo ng lalawigan na ang mga nakibahagi ay kawani at may transaksiyon sa mga tanggapan. Sila ay agad nagtungo sa paradahan ng mga sasakyan dahil wala doong istraktura na maaring gumuho habang nakapatong ang mga kamay sa ulo.

Matapos nito, mga pulis naman ang nagpakitang gilas sa isang insidente sa mall kung saan nagkaroon ng nakawan at inabangan ang mga kawatan paglabas saka ito huhulihin. Sunod nito ay rescue operation naman ng mga kawani ng BFP-Calapan na ang sitwasyon ay magbababa ng isang pasyente mula sa rooftop ng gusali saka dadalhin sa pagamutan.

Hindi din nagpahuli ang mga tauhan ng City Public Safety Department, na ang pangyayari ay isang sasakyan ang bumangga na may dalawang sakay na tao at kanila itong bibigyan ng paunang lunas saka isasakay sa ambulansiya patungo sa ospital.

At ang huli ay sa Calapan City Hall, kapag tunog ng sirena ay agad naglabasan ang mga empleyado na nakapatong ang dalawang kamay sa ulo habang ang iba ay nag-paiwan sa mga opisina na naka ‘duck, cover and hold’.

Umpisa pa lamang ito ng mga pagsasanay at kanila itong ipagpapatuloy sa araw ng Martes bilang paghahanda sa aktuwal na kaganapan sa Nobyembre 14. (DN/PIA-OrMin)

About Post Author

Previous articleElderly Week ipinagdiwang ng mga senior citizens sa Calapan
Next articleFormer Senate president ‘Nene’ Pimentel passes away at 85