LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Dumaan sa ilang pagsusuring medikal ang 473 Persons Deprived of Liberty (PDL) na kasalukuyang nakapiit sa Oriental Mindoro Provincial Jail upang masiguro ang kanilang kalusugan na pinangangasiwaan ng DOH-Mimaropa, Center for Health Development-Mimaropa, Provincial DOH Office at Provincial Health Office-Oriental Mindoro na isinagawa sa Capitol Complex, lungsod ng Calapan noong Oktubre 23.
Sa pamamagitan ng isang mobile clinic na may hatid-serbisyong X-Ray, laboratory examination, at iba pang mga pagsusuring medikal, dumaan sa mass screening ang mga PDL kung sila ba ay may dinadalang malubhang karamdaman na maaring magdulot sa kanila ng kapahamakan at sa kapwa nila preso.
Ayon kay OMPJ Warden, Ferdinand M. Ferrancullo, hindi maiwasan na magkaroon sila ng sakit dahil halos dikit-dikit ang kanilang katawan sa kanilang selda at sa liit ng mga espasyong nakalaan sa kanila, kung kaya marapat lamang na sila ay masuri ng mga dalubhasa sa kalusugan.
Kadalasang iniinda nilang karamdaman ay trangkaso, pigsa, tuberculosis, HIV, mental disorder, sakit sa balat at mga nakahahawa pang sakit sanhi ng pawis ng isa’t-isa na siya nilang hindi maiwasan dahil sa sikip at mainit na temperatura ng kanilang lugar. Bakas sa mukha ng mga PDL ang tuwa habang naghihintay na sila ay masuri gayundin ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan lokal at nasyunal sa ayudang ipinagkaloob sa kanila.
Samantala, ikinatuwa ni Ferrancullo ang nasabing atensiyong-medikal na ipinagkaloob dahil aniya ay “tao din sila na nangangailangan ng magandang pangangatawan at hindi dapat maging hadlang ang kanilang sitwasyon na sa kasalukuyan ay maari pa din silang magbago”. (DN/PIA-OrMin)