Sasampahan ng kasong illegal possession of firearms ang apat na kalalakihang nakilala ng mga awtoridad sa Barangay San Jose, Taytay noong Martes, Setyembre 22.
Hinihinalang nanghuhuli ng baboy ramo ang mga kalalakihan nang ang mga ito ay nasabat ng mga taga DENR-CENRO Taytay habang nagsasagawa ng operasyon sa lugar laban sa illegal logging.
Kinilala ang mga suspek na sina Samuel Roda, Laiza Montoya, Alvin Amorganda at Joey Alvares, mga residente ng Barangay Liminangcong, Taytay.
Ayon sa ulat, nakita ng mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek na may hawak na mahahabang baril, na kanilang itinapon bago tumakas.
Ayon kay P/Ems. Abel Salatambos, ang nanguna sa operasyon, nakuha nila ang mga baril na pagmamay-ari ng mga ito.
“Napapatrolya ang mga taga-DENR at kapulisan noon para sa mga nag-iillegal logging tapos nadaanan namin ang mga suspek ngayon at nang makita namin sila ay bigla nalang nagsitakbuhan at tinapon at iniwan nila ang mga armas nila kasi namamaril pala sila ng mga baboy ramu at mga unggoy which is ipinagbabawal din naman,” ani Salatambos sa panayam ng Palawan News.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang dalawang uri ng baril at dalawang bala ng pinaghihinalang shotgun; isang homemade shotgun at isang improvised na de calibre 22.
“Hindi pa nahuhuli ang mga suspek pero identified na sila at filing narin ang kaso,” dagdag ni Salatambos.