Sep 29, 2020

3 lalaki sa Brgy. Bahile, huli sa anti-illegal gambling operation

Kinilala ni P/Maj. Edgar Salazar, station commander ng City Police Station 2, ang mga suspek na sila Jerlie Lugatiman, 50, mangingisda; Joshua Occenio Mendoza, 27, mangingisda, at si Jose Mercado Jr. Madarcos, 42, security officer, parehong mga residente ng nasabing lugar.

(Photo courtesy of Police Station 2)

 

 

Tatlong lalaki ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa tupada sa isang anti-illegal gambling operation na isinagawa sa Purok Pag-asa, Barangay Bahile, Martes ng hapon.

Kinilala ni P/Maj. Edgar Salazar, station commander ng City Police Station 2, ang mga suspek na sila Jerlie Lugatiman, 50, mangingisda; Joshua Occenio Mendoza, 27, mangingisda, at si Jose Mercado Jr. Madarcos, 42, security officer, parehong mga residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Palawan News kay Maj. Salazar, Lunes pa lamang ay mayroon na silang natangggap na impormasyon sa tupadang isinasagawa ng mga suspek, at maraming beses na nila itong naisagawa.

“June 22 pa lang, naka-receive na kami ng information. Sunod-sunod na nilang ginagawa [ang pagsasagawa ng tupada], at may plano pa ulit sila na gumawa nito,” saad ni Salazar.

Nagpalipat-lipat din ng lugar ang mga suspek sa pagsasagawa ng nasabing tupada upang hindi mahuli ng mga awtoridad. Sa tansya naman ni Salazar, mahigit kumulang 20 katao ang sangkot sa iligal na sugal ngunit ang iba ay nakatakas.

“Nakita natin sa hindi kalayuan na may nagsisigawan at pinuntahan na namin iyon kasi iyon ang exact location ng tupada na sinasabi ng report. Pagpunta ng tropa, iyong iba nahuli (iyong tatlo) iyong iba hindi na natin magawang mahuli gawa ng may ilog doon na medyo malalim-lalim, noong nagkahulihan na iyong iba tumakbo tapos iyong iba naman lumanguy-langoy doon sa ilog para lang makatakas. ” dagdag pa ni Salazar.

Nakumpiska naman ng mga pulis ang limang patay na panabong, dalawang buhay na ang isa ay may tari pa, at perang nagkakahalagang lagpas isang libong piso.

Ibinahagi ni Salazar na sa unang beses pa lamang ng paglabag sa nasabing kaso ay pwede pang magpyansa ang suspek ngunit sa pangalawang beses na mahuli ang suspek sa paggawa ng tupada ay hindi na pwedeng magpyansa at maaring masampahan na ng kaso at masentinsyahan.

Sa ngayon, inihahanda na sa mga suspek ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 sa City Prosecutor’s Office.

Hindi naman tumitigil ang mga awtoridad sa pagmomonitor at pag-aksyon sa mga lumalabag sa PD 1602 kahit na kung minsan umano ay negative ang kanilang operasyon.

(With reports from Jayra Joyce Taboada)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry