Nagtala ng 28 bagong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Roxas at isa naman ang namatay, ayon sa pahayag ni municipal health officer Dr. Leo Salvino, nitong Lunes, Mayo 10.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng 20 lalaki kung saan 11 ang mula sa Barangay 2, tatlo ang nagmula sa Brgy. 4, tatlo sa Brgy. 3, at tatlo naman mula sa Brgy. 1; pitong babae mula sa Brgy. 2, at isang babae naman mula sa Brgy. 4.
Dagdag ni Salvino, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtala rin ang bayan ng isang COVID-19 related death.
“Isang 67 taong gulang na babae na taga-Bagong Bayan ang namatay sa Ospital ng Palawan (ONP). Bale galing talaga siya ng Puerto at doon siya na diagnose. Dahil taga Roxas siya kaya dito na-isolate sa medicare hospital at noong Sabado nag-deteriorate siya at dinala ulit sa ONP at kahapon (Linggo, May 9) siya namatay,” sabi ni Salvino ng Municipal Health Office (MHO) ng Roxas
Sinabi rin ni Salvino na sa kasalukuyan ay nagkukulang na sila sa facility at maging sa health staff.
“Sa isolation facility ay kulang na talaga kami kasi ang Medicare hospital ay ayaw nang tumanggap dahil punuan na rin sila. Hindi lang naman kasi taga-Roxas ang kini-cater nila, may taga-Dumaran, may taga-El Nido o ibang kalapit-bayan. Kaya ang dati naming quarantine facility ay ‘yon na lang ginamit naming isolation facility ngayon,” paliwanag ni Salvino.
“Kulang na rin kami sa health staff kaya nag urgent request na ako ng kahit lima pang contact tracer, at kung mabibigyan pa sana pati midwife,” dagdag niya.
“Sana iyung mga napag usapan namin sa MIATF kahapon ay ma-approaved lahat pati yung proposal request namin sa region na (isailalim sa) GCQ ang Roxas. para naman maagapan yung pagdami pa ng kaso dito” dagdag ni Salvino
Sa kasalukuyan ay mayroong 39 na aktibong kaso ang bayang ito.
