Dalawa ang naaresto habang nakatakas naman ang isa pa nang pasukin ng mga pulis ang mga bahay ng mga ito sa Sitio Linao, Barangay Culandanum sa bayan ng Bataraza, madaling araw kahapon, November 14.

Ito ay sa bisa ng isang search warrant na inilabas ni Brooke’s Point Regional Trial Court Branch 165 Judge Ramon Chito Mendoza kaugnay sa reklamong illegal possession of firearms.

Unang pinasok ng mga pulis ang bahay ni Nictor Gawa, kung saan nakuha dito ang apat na 12 gauge live ammunition na nakasilid sa isang backpack.

Agad na nakatakas ang suspek bago pa man ito maabutan ng mga pulis.

Nasamsam naman sa pangangalaga ng mag-amain na sina Dikor Rentikan Gawa at Renito Pelisan Gawa ang dalawang boga, tatlong gauge live ammunition, isang pirasong homemade barrel at ilan pang mga bala.

Ayon sa hepe ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) na si P/Maj. Dhennies Acosta, target nilang makuha ang mga homemade shotgun ng mga suspek na ikinababahalang magamit pa laban sa kanilang mga kagalit na kaanak.

“Mga bala lang karamihan ang nakuha natin, saka tubo na hindi natin ma consider na firearm kasi hindi siya kumpleto. Pero isinama na namin sa inventory kasi possible na gagawin din nila yun, lalo pa at gumagawa talaga sila ng mga [improvised na] baril,” ayon kay Acosta.

“Ang dalawa naaresto namin, pero ang isa, palapit pa lang kami, nakaramdam, nakatakas na, sabi sa amin ng asawa dala niya ang mga bala dala niya ang baril. Yun ang gumagawa,” dagdag nito.

Dahil sa mga nakumpiskang mga ebidensya, kakaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms

About Post Author

Previous articleTraining on environmental laws and enforcement, isinagawa sa Rizal
Next articlePhotos of Coron’s bird species displayed in exhibit
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.