Tue. Feb 25th, 2020

2 kaso ng hit-and-run, nalutas ng anti-crime task force

Ayon sa lider ng ACTF at information officer na si Richard Ligad noong Huwebes din, matapos ang ilang araw na paghahanap kay Wilfredo Antonio, 57 anyos, at residente ng Barangay Sicsican, natagpuan na ito para papanagutin sa kinasasangkutan na kaso ng hit-and-run na kumitil sa buhay ng nanay ng Radyo Pilipinas broadcaster na si Damian Lacasa Jr.

Photo courtesy of Richard Ligad.

Dalawang magkaibang kaso ng hit-and-run ang naresolba ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government at ang isa sa dalawang suspek ay sangkot sa pagkamatay ng nanay ng isang radio broadcaster.

Ayon sa lider ng ACTF at information officer na si Richard Ligad noong Huwebes din, matapos ang ilang araw na paghahanap kay Wilfredo Antonio, 57 anyos, at residente ng Barangay Sicsican, natagpuan na ito para papanagutin sa kinasasangkutan na kaso ng hit-and-run na kumitil sa buhay ng nanay ng Radyo Pilipinas broadcaster na si Damian Lacasa Jr.

Sumuko rin sa kanila ang drayber ng hinahanap na tricycle na may pinturang cobalt blue at may “Raider R” sa likod nito. Kinilala itong si Juller Leotilla Barredo na naka-hit-and-run kay Carlo Florida noong madaling araw ng ika-24 ng Disyembre.

Sabi ni Ligad, nahanap nila ang kinaroroonan ni Antonio noong Miyerkules ng gabi matapos ipaabot sa kanila ni Lacasa na may natagpuang “debris ng sasakyan” sa lugar kung saan nabundol ang kanyang nanay sa Sicsican malapit sa simbahan noong ika-5 ng Enero.

Hinihinalang na-detach ang piraso ng debris mula sa sasakyan na nakabundol sa kanyang nanay, sabi ni Ligad.

Ayon sa kanya ay kanilang ni-review ang mga footage na mula sa mga CCTV camera sa lugar at nakita nila ang isang red multicab na tumutugma sa nakitang piraso ng debris. Pagkatapos ay kanilang hiningi ang tulong ng barangay at na-identify nga si Antonio.

Sinasabi umano ng suspek sa kanilang imbestigasyon na wala itong maalala sa nangyari noong araw na mabundol ang nanay ni Lacasa dahil ito ay lango sa alak.

Nang inspeksyunin ang multicab ni Antonio, tumugma ang piraso ng debris na na-detach mula dito.

Samantala, sa hit-and-run naman na sinasabing kinasasangkutan ni Barredo, napagalaman na ito ay bumiyahe ng El Nido bago sumuko.

Sabi ni Ligad, sumuko ito dahil sa takot bunga ng P10,000 reward money na inialok para sa ikadadakip nito matapos ang hit-and-run kay Florida.

“Kusa na po siyang sumuko,” pahayag ni Ligad.

Sa panayam sa kapatid ng biktima na si Mitch Florida, sinabi nito na hindi na sila magsasampa ng kaso laban kay Barredo.

“Hindi naman na po kami magsasampa ng kaso [laban] sa kanya, kasi kagaya nga ng post ko na lumantad lang siya hindi namin siya kakasuhan. May isang salita naman ako. Nang makita ko rin si tatay na driver halos madurog din ang puso ko. Halos kaedad na siya ng papa ko. Tapos kakasuhan ko pa siya at ipakukulong? Kawawa naman siya, matanda na siya gugugulin pa ba niya ang oras niya sa kulungan?” pahayag ni Mitch.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry