Photo courtesy of Barangay Tanglaw officials.

Na-rescue ng mga opisyal ng Barangay Tanglaw noong Martes ng hapon ang dalawang batang lalaki na itinuturong responsable sa pagnanakaw ng mga cellphone, gadget, at iba pang mga gamit sa Rengel Center Mall noong gabi ng ika-3 ng Pebrero.

Ang kustodiya ng dalawang batang lalaki na may edad na 11 at 14 ay agad din na ibinigay sa mga opisyal ng Brgy. Maninging kung saan ang mga ito ay nakatira.

Ayon kay Elena Bardas, ang kapitan ng Tanglaw, ang dalawang bata ay na-rescue matapos mapansin na pagala-gala at may kakaibang ikinikilos.

Isang Benedict Galzote ang nakakita sa mga ito at kumausap sa kanila bago nag-ulat sa barangay. Nakumbinsi ang mga bata na dalhin ang mga opisyal sa barong-barong na tinutuluyan ng mga ito matapos maghinala na isa sa kanila ang batang nakuhanan ng CCTV sa loob ng Rengel.

Sa pinuntahang barong-barong, tatlong cellphones at iba pang mga gamit ang nakita ng mga opisyal. Doon na nga ay umamin na ang mga ito na sila ang kumuha ng mga gamit sa Rengel.

“Pagdating namin, nakita namin doon na may tatlong cellphone at mga damit pambata. Ito raw ‘yong mga nire-repair na kinuha nila sa Rengel, at mga damit pambata na mga bago pa, in-endorse din namin lahat sa Maningning dahil ‘yong tinitirahan nila sakop pa ng Maningning,” sabi ni Bardas.

Dagdag pa ni Bardas, ayon sa mga bata, sila ay mag-pinsan at dalawang buwan na silang naninirahan sa barong-barong na magkasama. Ang nakakababata ay iniwan ng mga magulang kaya’t sumama na lamang sa kanyang pinsan.

Matatandaan nitong Martes din ay napaulat na may dalawang bata ang nakunan ng CCTV sa Rengel noong gabi ng ika-3 ng Enero.

Ang kwento ng mga bata ay tumugma naman sa pangyayari kaya’t iti-nurn-over ang mga ito at ang mga gamit sa Maningning at sa Puerto Princesa City Police Station 1.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development Office ang mga bata.

Kasama rin ni Bardas sa pagligtas ng mga bata ang ilang mga kagawad ng barangay na sina Maria Labutoy, Milagros Sabuya, Melanie Gapulao, at isang tanod.

 

About Post Author

Previous articleSan Vicente starts regular boat transfers from Poblacion to Port Barton
Next articlePSFI turns over micro-grid power facility to Maytegued energy association
Jayra Joyce Cañete Taboada handles the law and order and the science and education beats. She is also a licensed professional teacher.