ODIONGAN, Romblon – Nagtapos kamakailan sa Kapatid Mentor Me (KMME) Program ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ang 19 na Micro, Small & Medium Enterprises (MSMEs) matapos makompleto ang 10 entrepreneurial modules na itinuro sa kanila ng kanilang mga mentors.
Sa panayam ng Philippine Information Agency – Romblon sa bagong Provincial Director ng DTI-Romblon na si Dr. Noel Flores, sinabi nito na ang mga MSMEs na nagtapos ay galing pa sa iba’t ibang bayan ng Probinsya ng Romblon at nagmula sa mga sektor ng food, services, stores, at manufacturing.
“Layunin ng programa na ito na matulungan natin ang mga MSMEs na mapalago ang kanilang mga negosyo kahit saan man silang sector, sa tulong siyempre ng mga piling negosyanteng kilala na sa kanilang larangan,” pahayag ni Flores.
“Ang maganda rito, nakakapag develop sila ng business improvement plan. ‘Yung dating plan nila, nai-improve natin at napapaganda pa. After that, hindi naman sila bibitawan ng DTI, babalikan namin sila para tingnan kung sinusunod nila ‘yung ginawa nilang business plan,” dagdag ni Flores.
Ginanap ang graduation ceremony sa Sato-Dizon Hotel sa Odiongan, Romblon kung saan naging panauhing pandangal si Ginoong Joseph Guzman, isang Philippine Center for Entrepreneurship (PCE) Certified mentor. Nagbigay siya ng maikling mensahe para hikayatin ang mga nagtapos na MSMEs na huwag nang umalis sa pagnenegosyo at gamitin nalang ang mga itinuro sa kanila ng gobyerno para mas mapaunlad pa nila ito.
Ang Kapatid Mentor Me Program na ginagawa kada taon ay isinusulong ng Kagawaran ng Kalakal at Industriya bilang pagtalima sa adhikain ng administrasyong Duterte na mapaunlad ang mga MSMEs sa bansa. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)