Pormal ng nanumpa sa kanilang bagong ranggo ang 188 na kawani ng Romblon Police Provincial Office na ginanap noong Lunes sa PNP Romblon Headquarters.(Larawan ng Romblon PPO)

ROMBLON, Romblon — Kabuuang 188 na kawani ng PNP Romblon ang tumanggap ng promosyon at pormal na nanumpa sa kanilang bagong ranggo.

Ang mass oath taking at donning of rank ay ginanap sa Romblon Police Provincial Office (RPPO) ground at pinangunahan ni Police Colonel Arvin T. Molina, provincial director ng RPPO.

`Ang nagsilbing guest speaker naman sa okasyon ay si Vice Governor Jose R. Riano at sinaksihan din ng mga kapamilya ng mga pulis na nabigyan ng promosyon.

Sa mensahe ni PNP Provincial Director Molina sa harapan ng mga bagong promote na pulis, kanyang sinabi na ang nakamit nilang promosyon ay patunay ng kanilang mahusay na pagganap sa tungkulin at ang pag-angat ng ranggo sa kanilang hanay ay pagdagdag rin ng responsibilidad para mapangalagaan ang seguridad at katahimikan ng pamayanan.

Sa pag-angat aniya ng mga ranggo ay panibagong responsibilidad ang haharapin ng isang alagad ng batas kaya dapat manatiling tapat ang mga ito sa mga sinumpaang tungkulin tungo sa isang serbisyong makatotohanan.

Ang mga na-promote na Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) ay kinabibilangan ng anim na Police Executive Master Sergeant, tatlong Police Chief Master Sergeant, tatlong Police Senior Master Sergeant, walong Police Master Sergeant, 91 ay Police Staff Sergeant at 77 ang naging Police Corporal.

Ayon kay Police Captain Ledilyn Y. Ambonan, spokesperson ng Romblon PPO, ang nasabing promotion ceremony ay sabayang ginanap sa buong bansa.

Ayon sa pamunuan ng Romblon PPO, may pitong pulis ding taga-Romblon ang na-promote sa pamamagitan ng lateral entry kung saan opisyal na iginawad ang kanilang promosyon ng Police Regional Office MIMAROPA sa Camp Efigenio C. Navarro, Lungsod ng Calapan.

Ito ay kinilalang sina Police Lieutenant Rosie Galus, Police Lieutenant Eric Herald Faigao, Police Lieutenant Jerson Mapola, Police Lieutenant Mark Anthony Encarnacion, Police Lieutenant Rio Frane at Police Lieutenant Albert Jure Fernandez.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Previous articlePalawan as a stakeholder in the China loan deal
Next articleOccMin nanatiling maayos at mapayapa – PNP, PA