Isang 35 anyos na lalaking suspek na umaming 10 taon ng nagbebenta ng shabu ang naaresto sa buy-bust na ikinasa ng drug enforcement unit ng City Police Station 2 (CPS2) at Anti-Crime Task Force (ACTF), Biyernes ng umaga, sa Purok San Francisco, Barangay Tiniguiban.
Kinilala ito ng mga awtoridad na si Rene Camahort Jr., residente ng Bucana, Brgy. Matahimik.
Sabi ni P/Lt. Bryan Rayuso ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng CPS2, matagal na nilang mino-monitor ang suspek matapos na lumutang ang pangalan nito sa mga nauna na nilang nahuling pusher na naging katransaksyon ni Camahort.
“Matagal na naming sinu-surveillance yan. Ang sistema nyan, kapag maliitan lang ang bibilhin sa kanya, mag-aabutan lang yan. Simpleng palitan lang sila, hindi bababa sa motor niya yan. Pero kapag ganitong P4,500… deliver talaga,” sabi ni Rayuso.
“Tapos gagamit sila, isang pagulungan lang yan, para maipakita niya na authentic ang item niya,” dagdag niyang pahayag sa Palawan News.
Bukod sa isang sachet na nabili sa kanya ng asset ng pulisya, nakumpiskahan din si Camahort ng lima pang sachets ng pinaghihinalaang shabu.
Nakuha din mula sa kanya ang P4,500 na marked money, motorsiklong ginagamit, at isang cellphone.